ni Ryan Sison @Boses | Nov. 8, 2024
Ang malawak na mga lupain sa bansa na minana pa ng iba sa atin mula sa mga ninuno ay walang ibang dapat na magmay-ari kundi tayong mga Pilipino.
Kaya naman inihain ng mga kongresista ang panukalang batas na nagbibigay awtorisasyon sa gobyerno na bawiin ang mga real estate na ilegal na nabili ng mga dayuhan sa Pilipinas, partikular na ang mga estate o lupain na may kaugnayan sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Iniakda ang House Bill No. 11043 o ang “Civil Forfeiture Act” nina Senior Deputy Speaker Rep. Aurelio Gonzalez, Jr., Deputy Speaker Jayjay Suarez, Reps. Robert Barbers, Dan Fernandez, Bienvenido Abante, Jr. at Joseph Stephen Paduano.
Ayon sa mga may-akda, layunin umano ng bill na palakasin ang constitutional ban sa tinatawag na foreign land ownership na itinatag sa 1935 Constitution.
Paliwanag pa nila na sa Saligang Batas ng Pilipinas ay ipinagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa maliban sa mga kaso ng hereditary succession o namamana.
Batay sa Artikulo XII, Seksyon 7 at 8 ng 1987 Constitution ay partikular na naghihigpit sa pagmamay-ari ng pribadong lupa sa mga Pilipino o mga korporasyong may hindi bababa sa 60% na pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Pahayag pa nila, resulta ang naturang panukala sa nagpapatuloy na pagdinig ng Quad Committee tungkol sa extra-judicial killings, ilegal na operasyon ng POGO at ilegal na droga.
Nararapat lamang na ang talagang nagmamay-ari ng mga lupain sa atin bansa ay tayong mga Pinoy.
Hindi makatarungan na ang mga dayuhan pa ang nagtataglay ng malawak na mga real estate, habang maraming mga mamamayan ay nananatiling nangungupahan at walang sariling lupa.
Kaya naman tama lang ang nais ng mga mambabatas na dapat bawiin ng gobyerno ang mga lupang ilegal na nakuha ng mga banyaga, ito man ay may kaugnayan sa POGO o wala.
Sa kinauukulan, huwag sana nating hayaan na patuloy na kamkamin ng mga dayuhan ang ating mga lupain, sa halip ay protektahan natin ang lahat ng ating mga pag-aari.
Sana lang ay maging ganap na batas na ito sa lalong madaling panahon, nang sa gayon ay maibalik na sa atin ang pagmamay-ari, at hindi na dumami pa ang ilegal na makakakuha na mga dayuhan ng ating mga lupain.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com