ni Ryan Sison @Boses | Dec. 20, 2024
Upang matugunan ang paglaganap ng mga pekeng identification card (IDs) ng mga persons with disability (PWDs) ipapatupad na ang planong unified ID system sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan lilikha sila ng naturang sistema na magagamit ng mga business establishment o mga negosyo para agad na matukoy ng mga ito kung lehitimo ang iprinisentang ID sa kanila.
Ayon sa kagawaran, ang unified ID system ay isang web-based portal na mayroong real-time updating at ID verification.
Habang nasa proseso ng paglikha ng naturang sistema, hinimok naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang publiko na i-report ang mga insidente na may kinalaman sa pagbebenta ng pekeng PWD IDs sa National Council on Disability Affairs (NCDA), isang attached agency ng DSWD, sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO), o anumang law enforcement agency.
Matatandaang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay naglunsad na rin ng national crackdown laban sa pagbebenta at paggamit ng pekeng PWD IDs dahil ang revenue losses o pagkalugi ng kita mula sa ganitong uri ng tax evasion scheme ay umabot na sa P88 bilyon.
Sa ilalim ng batas, kasama sa mga benepisyo ng mga PWD ang 20 percent discount at exemption sa value-added tax (VAT) sa ilang mga produkto at serbisyo.
Panahon na marahil para mapigilan natin ang pagkalat ng mga pekeng PWD ID na ginagamit ng kung sinu-sino lamang at hindi talaga karapat-dapat.
Nagiging uri na rin kasi ito ng panloloko ng marami sa atin, na gustong magkaroon ng discount ng napakalaki kahit na hindi naman sila totoong kuwalipikadong magbenepisyo.
Sana lang ay agad na matapos at makumpleto ng kinauukulan ang unified ID system nang sa gayon ay maipatupad na ito sa buong bansa at hindi na dumami pa ang mga malolokong kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com