ni Ryan Sison @Boses | Nov. 4, 2024
Kung mga wais ang mga masasamang-loob, dapat na mas mahuhusay ang ating kapulisan.
Kaya naman nagpahayag ng pagsuporta si Rep. Brian Raymund Yamsuan sa plano ng Philippine National Police (PNP) na pagbili ng mga body-worn cameras na may mga artificial intelligence (AI) capability.
Kailangan lang aniya na mamuhunan din ang kagawaran sa pagsasailalim sa training ng kanilang mga tauhan para sa tamang handling, filing at storage ng video footages sa naturang devices upang matiyak na hindi ito mata-tamper, kung saan gagamiting ebidensya sa korte laban sa mga salarin.
Hinimok naman ni Yamsuan ang kapulisan na mas palawakin o i-develop ang kanilang digital crime reporting system upang hikayatin ang partisipasyon ng taumbayan sa pagsugpo sa anumang krimen.
Aniya pa, ang paggamit ng mga naturang teknolohiya ay makakatulong para mapabuti ang pagkilos o performance ng PNP, habang mabuo ang tiwala ng mamamayan sa kanilang organisasyon.
Pinuri naman ng mambabatas ang kagawaran sa inisyal na paglulunsad sa Metro Manila ng Law Enforcement Reporting and Information System (LERIS), isang digitalized policing app na magbibigay-daan sa publiko na mag-report ng mga kahina-hinalang insidente at krimen sa pamamagitan ng kanilang mga mobile phone.
Kadalasan, ayon kay Yamsuan, kahit may nakikita na kahina-hinala sa paligid o may nangyayari na mismong krimen ay nag-aatubiling pumunta sa police station o tumawag para ito mai-report. Pero, kung maipapatupad sa buong bansa ang paggamit ng digital app ng PNP, mas mahihikayat ang mamamayan na maisumbong ang anumang kaduda-dudang aktibidad at krimen sa ating komunidad gamit ang ating mga cellphone.
Marahil, panahon na para gumamit ang ating kapulisan ng mga makabagong teknolohiya sa paglaban sa kriminalidad.
Kung tutuusin, bukod sa pagiging tuso ng mga masasamang-loob ay high tech na rin sila sa paggawa ng mga krimen.
Halimbawa na rito ang pag-hack ng mga account sa bangko, pang-i-scam online, pang-eengganyo na pumasok sa mga investment kuno at iba pang uri ng panggagantso.
Kumbaga, ang gagaling talaga ng mga kawatan sa panloloko dahil gumagamit sila ng mga tinatawag na technological innovations.
Kaya naman kailangan nating suportahan ang planong ito ng kapulisan, kung saan dapat maipasa na ang mga panukalang batas na naglalayong gumamit ng mga body-worn cameras sa panahon na mayroong operasyon ang mga law enforcement nang sa gayon ay agad na mahuhuli ang totoong mga salarin at maparusahan ang mga ito gamit ang mga ebidensyang nakuha.
Gayundin, sana ay magkaroon ng mga CCTV sa mga establisimyento para madali namang makaresponde ang ating kapulisan sa nangyayaring insidente.
Isipin sana natin lagi na dapat manaig ang mas makabubuti para sa ating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com