ni Ryan Sison @Boses | Nov. 7, 2024
Matapos na mabigong maabot ang mga target na inoculation o pagbabakuna noong September, mas palalakasin ng gobyerno ang pagsisikap na pataasin ang immunization rate ng mga bata sa Metro Manila.
Ayon sa Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), magsasagawa sila ng catch-up immunization simula ngayong buwan hanggang sa kalagitnaan ng December dahil ang isinagawa nilang school-based nationwide vaccination program ay mas mababa pa sa kanilang target.
Ayon kay National Capital Region national immunization program coordinator Arnold Louie Alina, layon nilang mabakunahan ang 167,260 Grade 1 students at 180,563 Grade 7 students laban sa tigdas-rubella (MR) at tetanus-diphtheria (TD) sa mahigit 800 paaralan sa Metro Manila.
Tinitingnan din ng kagawaran ang 83,857 Grade 4 female students na makakuha ng human papillomavirus (HPV) vaccine.
Nitong October 25, binanggit naman ni Alina na para sa Grade 1, nasa 23,263 na mag-aaral lamang ang nakatanggap ng MR vaccine habang 23,276 ang nakakuha ng TD vaccine. Para sa Grade 7, nasa 10,402 ang nakakuha ng MR vaccine at 10,372 ang nakatanggap ng TD jab.
Mayroon ding 9,738 Grade 4 na babaeng mag-aaral na nakatanggap ng HPV vaccine.
Binigyang-diin din ni Alina na kailangan pa nilang pataasin ang kanilang accomplishment o ang bilang na nabakunahan pagdating sa school-based immunization, kaya sa ngayon, ay nagpaplano silang magsagawa ng kanilang malakihang catch-up immunization sa NCR.
Sa ilalim ng catch-up immunization na magsisimula sa November 18 hanggang December 16, 2024, dadalhin ng mga health worker ang mga bakuna sa mga bahay upang hikayatin ang mas maraming bata na magpabakuna. Magkakaroon din ng mga fixed posts sa health facilities, gayundin ang mga temporary posts, gaya ng mga malls at train stations, na tutukuyin ng local government units (LGUs).
Dapat talagang mapabakunahan na ang ating mga anak para mayroon silang proteksyon laban sa anumang sakit.
Marahil, ang mga bakuna naman na ituturok ng mga health worker na mula sa kagawaran ay siguradong base sa mga nakaiskedyul na immunization na hindi agad naibigay sa mga bata.
Kaya payo natin sa mga magulang na huwag nating palampasin ang pagpapabakuna sa ating mga anak dahil makabubuti ito sa kanilang kalusugan.
Alalahanin sana natin na mas maganda na lumalaki silang matalino, malusog, malakas at masigla.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com