ni Ryan Sison @Boses | Mar. 28, 2025

EDSA, ito ang kalsada na araw-araw dinaraanan ng libu-libung Pilipino, pero tila walang araw na hindi ito puno ng trapik, sira-sirang kalsada, at mga abalang hindi na bago sa ating lahat.
Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit nating naririnig ang mga pangako ng pagbabago, pero sa kabila ng lahat ay hindi pa rin nasosolusyunan ang problemang palaging nagpapahirap sa mga motorista at mga driver. Pero ngayon, mukhang may panibagong pag-asang ihahatid sa atin ang gobyerno.
Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sisimulan na ang pagsasaayos ng EDSA southbound lane sa kalagitnaan ng Abril. Target nilang tapusin ito bago mag-Pasko, para hindi na makadagdag sa holiday rush. Ang tanong, handa na ba tayo sa isa pang matinding sakripisyo sa kalsada?
Ayon kay DPWH Secretary Manny Bonoan, maaaring umpisahan ang proyekto sa Semana Santa, kung kailan mas kakaunti ang bumabiyahe. Pero kahit na isabay ito sa panahong hindi kasingbigat ng regular na araw, hindi maikakaila na malaki pa rin ang magiging epekto nito sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na habang wala pang eksaktong petsa ng pagsisimula, tiyak na sa loob ng Abril ito mangyayari.
Inamin niyang magiging mabigat ang epekto nito sa mga motorista at komyuter, kaya’t puspusan ang ginagawang plano upang mabawasan ang perhuwisyong dulot ng rehabilitasyon. Humihingi naman siya ng malaki at mahabang pagtitiis para sa mga maapektuhan nito.
Sa isang pagpupulong kasama ang Metro Manila Council (MMC), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at DPWH, sinabi ni Dizon na hindi ito basta-bastang proyekto. Hindi lang ito konstruksyon, kinakailangan ding masiguro na may sapat na planong nakahanda para maiwasan ang malalang trapik.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, hindi ito maituturing na delay kundi bahagi ng maingat na pagpaplano. Aniya, maraming moving parts na kailangang pagtama-tamain at ayaw nilang mangyari ang ‘carmageddon’.
Isa sa mga posibleng hakbang ay ang paghahanap ng alternatibong ruta para sa mga motorista upang maibsan ang bigat ng daloy ng sasakyan sa EDSA. Posible ring i-realign ang oras ng ilang proyekto o baguhin ang ilang schedule para hindi magdulot ng sabay-sabay na abala.
Pero ang pinakamatinding tanong, gaano katagal ang pagtitiis na ito? Ayon sa DOTr chief, maaaring umabot ng isa’t kalahating taon bago tuluyang matapos ang proyekto.
Kung ganu’n, handa ba tayo? Marami nang napagdaanang abala ang mga kababayan pagdating sa road projects. Maraming beses na ring ipinangako ang pag-aayos sa EDSA, pero tila hindi pa rin nawawala ang problema. Ang tanging magagawa ng publiko ngayon ay maghintay at umasa na sa pagkakataong ito, talagang magiging epektibo ang rehabilitasyon.
Maghintay kung talagang mas mapapadali ang biyahe at mas magiging maaliwalas ang EDSA pagkatapos ng isa’t kalahating taon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com