ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 26, 2024
Muling iginiit ng Department of Health na tinututulan nito ang paggamit ng glutathione para magkaroon ng maputing balat o lighter skin.
Sinabi ng DOH na walang nailathala na mga clinical trials na sinuri o sinusuri hinggil sa paggamit ng injectable glutathione para sa pagpapaputi ng balat, gayundin, mga alituntunin para sa naaangkop na mga dosing regimen at tagal o duration ng treatment.
Batay sa isang pahayag ng ahensya, hindi sinusuportahan ng DOH ang paggamit ng glutathione para sa pagpapaputi ng balat o skin whitening.
Gayundin, ang injectable glutathione ay inaprubahan ng FDA (Food and Drug Administration) Philippines bilang isang adjunct treatment sa cisplatin chemotherapy. At hindi inaprubahan ng FDA ang anumang injectable na produkto para sa pagpapaputi ng balat.
Dagdag pa rito, hindi naman maaaring i-regulate ng DOH o ng FDA ang reseta o prescription ng mga gamot kapag naaprubahan na ang mga ito para makapasok sa merkado ng Pilipinas.
Ayon din sa DOH, ang mga doktor ang authorize, sa pamamagitan ng kanilang lisensya na mag- practice ng medisina, na ipinagkaloob ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sa mga susunod na hakbang na gagawin, payo ng DOH, na kung sa tingin natin na ang injectable glutathione ay maling nai-prescribe sa atin ng isang manggagamot, dapat na kumonsulta sa isang practicing lawyer o sa Public Attorney’s Office para mabigyan ng legal advice patungkol sa mga naturang bagay, gaya ng medical negligence at kung ano ang maaaring gawin para sa interes na rin ng hustisya.
Naglabas ng pahayag ang DOH, sa gitna ng mga batikos hinggil sa pagtanggap ng showbiz personality na si Mariel Rodriguez ng intravenous glutathione sa opisina ng kanyang asawang si Senator Robin Padilla sa Senado.
Matatandaang, noong Enero ay nagbabala si DOH Secretary Ted Herbosa sa publiko laban sa mga health hazards ng paggamit ng IV glutathione.
Ipinahayag ni Herbosa noon na, papaputiin ng IV glutathione ang ating mga balat at gagawing parang isang Caucasian, subalit maaari itong makapinsala sa ating mga kidney at pumatay sa atin. Mariin niyang sinabi na hindi ito ligtas. Hindi rin ito nairehistro ng FDA para sa pagpapaputi ng balat, at kung mayroong aniyang, gumagamit nito, ito ay ilegal at labag sa batas.
Noon pa lamang ay mayroon nang mga babala hinggil sa paggamit ng IV glutathione. Pero tuloy pa rin ang iba na gumagamit nito kahit na sabihin pang ilegal.
Marami kasi sa atin ay mas pinahahalagahan ang kanilang mga itsura para lalong maging maganda sa paningin ng iba.
Madalas din na ang kagustuhan natin para sa sarili na pumuti ang ating iniintindi kaysa kung makakabuti ang magiging resulta sa atin.
Hindi natin tinitingnan na pwedeng makasama sa ating kalusugan at posible ring maging sanhi ng ating pagkamatay.
Payo natin sa mga kababayan na iwasan nating malagay sa alanganin ang ating buhay at kalusugan. Kung hindi aprub o hindi inireseta ng doktor ay huwag na nating subukin panginumin at gamitin. Lagi nating iisipin na ang kagandahan ay hindi lang nakikita sa panlabas na anyo, kundi sa mabuting kalooban ng isang tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com