ni Thea Janica Teh | December 7, 2020
Nagpositibo sa COVID-19 ang lawyer ni US President Donald Trump at dating mayor ng New York na si Rudy Giuliani matapos umano itong bumiyahe upang mahabol ang Republican state lawmaker at baliktarin ang resulta ng eleksiyon.
Ang 76-anyos na abogado ang pinakabagong nagpositibo sa virus sa loob ng White House. "@RudyGiuliani, by far the greatest mayor in the history of NYC, and who has been working tirelessly exposing the most corrupt election (by far!) in the history of the USA, has tested positive for the China Virus," bahagi ni Trump sa kanyang social media account.
Matatandaang matapos ang eleksiyon noong Nobyembre 3 ay inanunsiyo nito kasama si Trump na mayroon umano silang ebidensiya na nagsasabing laganap ang dayaan ng eleksiyon sa US.
Kaya naman nitong Huwebes, bumisita si Giuliani sa Georgia upang pigilan ang mga lawmaker na magbigay ng certification sa pagkapanalo ni Biden. Ganito rin ang ginawa ni Giuliani sa Michigan nitong Miyerkules at sa Arizona nitong Lunes.
Una nang inanunsiyo ni Trump sa publiko na ugaliing magsuot ng face mask at umiwas sa mataong lugar upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.