ni Lolet Abania | December 1, 2020
Umabot na sa 98 indibidwal ang nagpositibo sa House of Representatives matapos ang isinagawang mass testing.
Ayon kay House Sec. Gen. Mark Llandro Mendoza, kabilang dito ay mga kongresista at empleyado na nasa Batasan Complex, kung saan sumailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing mula noong Nobyembre 10.
Subali’t hindi niya binanggit kung ilan dito ang kongresista, staff at empleyado na tinamaan ng Coronavirus.
Dagdag pa ni Mendoza, karamihan sa mga nagpositibo sa COVID-19 ay asymptomatic.
Gayunman, agad na ipinatupad ang self-isolation sa mga nagpositibo para maiwasan na mahawa ang iba pang House members at empleyado.
Nagsasagawa na rin ng extensive contact tracing sa Batasan at patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Kamara sa pamahalaang lokal ng Quezon City.
Matatandaang nakapagtala na ng mahigit 80 kaso ng infected ng virus sa Kongreso noong Marso kung saan dalawang kongresista at tatlong empleyado ang namatay.