top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 14, 2021




Nagpositibo sa COVID-19 si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Wilkins Villanueva, ayon sa kanyang Facebook account.


Kalakip ng larawan na resulta ng kanyang RT-PCR test, aniya, “As I was preparing for the Senate Inquiry on Monday, I took my RT-PCR at the Chinese General Hospital yesterday as part of the requirement. This morning I received the result. I TESTED POSITIVE.”


Humingi naman ng paumanhin si Villanueva sa mga nakasalamuha niya at aniya, “I'm sorry to all the people that I had close contact for the past days. Please take necessary precaution.”


Dagdag pa ni Villanueva, “I will be back, isolated lang po ako. Please pray for those who were also tested positive. Sana malampasan naming lahat ito. GOD BLESS US ALL!”

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 31, 2021




Isinusulong ng Philippine Red Cross na magsagawa ng COVID-19 saliva RT-PCR testing sa parking lots ng ilang shopping malls.


Pahayag ni Dr. Paulyn Ubial, head of PRC's Molecular Laboratory, “Sa mga malls po, iilang mga malalaking malls, nakipag-ugnayan na rin sa Philippine Red Cross, magiging available na rin po ang saliva RT-PCR.”


Ayon sa Red Cross, ang saliva test ay nagkakahalagang P2,000.


Saad pa ni Ubial, "Mas mura ang saliva test ng 60% kumpara sa swab test... Mas ligtas din ang saliva test para sa mga nangongolekta ng samples.”


Aniya pa, "Ang parang gagawin sa labas ng malls po, sa labas ng parking lot nila, parang drive-thru. Nasa loob lang kayo ng kotse, bibigyan kayo ng sample kit, doon po kayo dudura, then iaabot n’yo sa sample collector. Hindi na po kailangang lumabas ng kotse.”

Ipinaliwanag din ni Ubial na upang masigurong hindi mae-expose sa extreme temperature ang saliva sample, ilalagay ito sa “styro box o cold box.”


Aniya, "Pagkakuha ng sample, puwede nang ilagay sa styro box or 'yung cold box... Ilalagay lang doon sa loob for security and safety and para hindi ma-expose sa extreme temperature. Pero the saliva samples are viable at room temperature for seven days.”


Sa ngayon, available pa lang ang saliva testing sa PRC offices sa Mandaluyong City at Port Area, Manila.


Ayon kay PRC Chairman Senator Richard Gordon, target ng PRC na makapagsagawa ng COVID-19 saliva test sa lahat ng laboratory nationwide ngayong Pebrero.


Samantala, paalala ni Ubial sa mga nais magpa-saliva test, huwag kumain, uminom o magsepilyo sa loob ng 30 minuto bago sumailalim sa scheduled test.

 
 

ni Lolet Abania | December 9, 2020




Anim na turista ang ipinasok sa isang quarantine facility sa Boracay matapos na magpakita ang mga ito ng diumano’y peke nilang swab test results ng COVID-19.


Ayon kay Lt. Col. Jonathan Pablito, Malay police chief, ang mga nasabing turista ay nagmula sa Metro Manila subali't hindi niya binanggit ang pagkakakilanlan ng mga ito.


Sa inilabas na ulat, dumating sa Boracay noong weekend ang apat na babae at dalawang lalaki na mga residente ng Quezon City, Parañaque at Makati.


Sa report ng awtoridad, may nakitang discrepancy sa serial number nang suriin nila ang totoong oras ng polymerase chain reaction (RT-PCR) test results na ibinigay ng anim na turista. Agad na nakipag-ugnayan si Pablito sa Mandaluyong City Police para i-check ang Safeguard DNA Diagnostic Center na naka-address sa nasabing lungsod kung saan sumailalim umano sa swab testing ang anim na turista.


Sinabi ni Pablito na nakatanggap sila ng isang certification mula sa naturang diagnostic center noong Lunes na nagpapatunay na nag-iisa lamang sa anim na RT-PCR test results na kanilang ipinasuri ang authentic. Ang ibang test results ay mga photocopies at binagu-bago lang.


Inaresto ng Malay police ang anim na turista dahil sa falsification of documents at paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.


Gayunman, dinala ang anim na turista sa Aklan Training Center, ang COVID-19 facility ng lalawigan sa Barangay Old Buswang sa Kalibo, Aklan. Magsasagawa sa mga ito ng swab testing at isasailalim doon sa 14-day quarantine.


Tiniyak naman ni Col. Esmeraldo Osia, Jr., Aklan police chief, na ang lokal na pulisya at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay patuloy na nagpapatupad ng minimum health protocols para sa kaligtasan ng mga turista at residente ng lalawigan.


Samantala, sa datos ng Malay municipal tourism office, umabot na sa 4,154 turista ang bumisita sa Boracay noong nakaraang buwan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page