ni Lolet Abania | February 9, 2021
Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagpositibo siya sa RT-PCR test para sa COVID-19.
Ayon sa alkalde, sumailalim siya sa test matapos na makaramdam ng ilang sintomas ng naturang sakit.
“Sa resulta, nakita na ako ay nagpositibo sa nasabing sakit,” ani Rubiano sa isang Facebook post.
“Ako po ngayon ay nag-isolate. Kasalukuyang isinasagawa na rin ang COVID 19 protocols ng lungsod on contact tracing sa maaaring naging source ng sakit at gayundin sa aking mga nakasalamuha upang maiwasan ang tuluyan pang pagkalat nito,” dagdag ng mayor.
Tiniyak naman ni Calixto-Rubiano sa kanyang mga nasasakupan na patuloy ang serbisyo ng lokal na pamahalaan kung saan naglabas na siya ng direktiba sa lahat ng departamento ng lungsod habang ang ibang opisyal ay inatasan niyang magbigay ng assistance sa mga residenteng nangangailangan.
“Sa pangyayaring ito natin makikita na walang pinipili ang COVID 19 at talagang kailangan natin ang tulong ng pagpapabakuna at pananalangin sa Panginoon upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang sakit na ito,” sabi ni Calixto-Rubiano.