ni Jasmin Joy Evangelista | January 11, 2022
Malaki ang ibinaba ng bilang ng tourist arrival sa Boracay sa unang araw pa lang ng pagbabalik ng RT-PCR test requirement.
Mula 2,500 arrivals noong araw bago ibalik ang requirement, bumagsak agad nang kalahati ang bilang ng mga turista noong Linggo.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, malaki man ang epekto sa turismo, makatutulong naman umano ang polisiya para mapabagal o mapigilan ang pagdami ng COVID-19 cases sa isla.
"This is a very good step in order to stop the spread since noong nag-start itong nagka-COVID is from tourist from Metro Manila," ani Bautista.
Sa ngayon, 44 kaso ng COVID-19 ang naitala sa Boracay, kung saan 17 ang tourism workers habang 27 ang turista.
Wala pang kasiguraduhan kung hanggang kailan magtatagal ang paghingi ng negative RT-PCR test result bilang requiremen pero ayon sa lokal na pamahalaan, malinaw na hanggang mataas ang banta ng pagkakaroon ng sakit sa mga lugar gaya ng Metro Manila, magiging tuloy-tuloy ang requirement na ito.