ni Ronalyn Seminiano Reonico | October 14, 2020
Sinopla ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Spokesperson Benny Antiporda nitong Miyerkules ang mga eksperto ng University of the Philippines (UP) na pumupuna sa Manila Bay beautification project.
Sa ginanap na televised briefing, nanawagan din si Antiporda sa Commission on Audit (COA) upang i-audit ang pondo na ibinibigay umano ng DENR sa UP Marine Science Institute.
Aniya, “Base po sa pag-aaral ng inyong lingkod, kalahating bilyon po ang binayaran namin sa kanila simula 2016 hanggang taong ito. Kalahating bilyon na puro lang po konsultasyon, wala pong infrastructure, walang lahat. ‘Yan ‘yung binayaran natin sa UP [experts] na ‘yan.
“We are now calling the attention of the Commission on Audit to conduct an audit against the UP, especially UP Marine Science Institute.”
Pahayag pa ni Antiporda, “Ang UP po sa buong pagkakaalam natin ay libre dapat ‘yan, ano po? Bakit kayo naniningil sa gobyerno? Matapos kayong pag-aralin ng taumbayan, pagkatapos kayong maging scholar ng taumbayan, sisipsipin n’yo ang dugo ng taumbayan sa dami ng kinuha ninyong pondo?
“Tapos ngayon, gumagawa kami ng maganda, kailangang magbayad kami sa inyo? ‘Wag naman. Hindi n’yo karapatang batikusin ito dahil bayaran kayo. ‘Yun lang po ang masasabi ko sa UP. Uulitin ko, bayaran kayo.”
Iminumungkahi rin umano ng UP Diliman Institute of Biology na imbes na crushed dolomite ang ilagay sa Manila Bay ay mga mangroves na lamang ngunit ni-reject ito ng DENR dahil makasisira umano ito sa “landscape” ng tourist spot.
Saad ni Antiporda, “You cannot put it in the middle of baywalk area where it will destroy the landscape, hindi po magandang tingnan. And at the same time, hindi po mabubuhay sa lugar na ito ‘yung mangrove.”