ni Ronalyn Seminiano Reonico | October 25, 2020
Positibo sa COVID-19 ang apat pang personnel ng pinakamalaking maternity ospital sa bansa, ayon sa Philippine Red Cross matapos itong magsagawa ng coronavirus tests sa mga empleyado ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.
Pitong doktor ng naturang ospital ang unang naiulat na positibo sa COVID-19, ayon sa kanilang medical center chief na si Dr. Esmeraldo Ilem at Red Cross chairman Sen. Richard Gordon.
Saad ni Gordon, "Nakadiskubre pa tayo ng apat na may sakit. At 'di natin puwedeng pigilin 'yan, ‘di ho natin matitiis 'yan. Kahit papaano, pipigain natin para makapag-test tayo sapagkat 'pag ‘di tayo nag-test, lalong marami ang mapapahamak.”
Ayon naman kay Ilem, karamihan sa mga naturang empleyado ay asymptomatic at isinailalim na sa isolation.
Aniya, "Natutuwa po ang personnel namin dahil at least, nalaman po nila ang kanilang status. 'Di na po sila nangangamba... Lumuwag po ang kalooban nila, ‘di na po sila takot.”
Nagsagawa na ng disinfection sa pasilidad ng ospital at ayon din kay Ilem, 600 nanay ang kasalukuyang naka-admit dito.
Aniya, "Lahat po ng exposed, ipate-test po muna namin bago ma-discharge.”
Libre ang isinagawang COVID-19 testing ng Red Cross sa mga frontliners ng ospital sa kabila ng minsang pagtigil nito dahil sa P930 million utang ng PhilHealth, ayon kay Gordon.
Aniya, "Ba't nila nababayaran ‘yung mga hotel, pero ‘yung tests, ‘di nila mabayaran. Samantalang ‘pag binayaran nila ang mga tests, ‘di na tayo kailangang mag-hotel, ‘di nasusuya ang mga tao na umabot ng 6, 7 araw ang testing nila.”
Pangako naman ng PhilHealth, babayaran din nila ang utang sa PRC.