ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 16, 2021
Na-trace na at kasalukuyang nasa isolation ang mga pasaherong nakasabay ng residente ng Quezon City na idineklarang unang kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Noong Miyerkules, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center na ang unang kaso sa bansa ng bagong variant ng COVID-19 na mula sa UK ay isang Pinoy na nanggaling sa United Arab Emirates noong January 7.
Ayon sa DOH, ang pasyente ay isang lalaking residente ng Quezon City na pumunta sa Dubai noong December 27 para sa business purposes.
Pahayag naman ni Belmonte, “Based on the DOH information, they have already contact-traced majority of passengers in this flight (Emirates Flight No. EK 332).
“Walo sa mga pasahero ay taga-Quezon City. Sa walo, pito ang na-contact traced — first and second generation contact tracing. Isa ang nawawala [kasi], mali ang contact info n’ya... lahat ay na-swab na at isolated na. Hinihintay lumabas ang mga resulta.”
Nilinaw din ni Belmonte na hindi kailangang isailalim sa lockdown ang Barangay Kamuning kung saan naninirahan ang naturang pasyente dahil kaagad naman itong nadala sa quarantine hotel at isolation facility nang dumating sa bansa.
Aniya pa, “We have already contact traced 143 individuals. These are comprised of close contacts na kasama ang malapit sa pasyente at second generation contacts — ito naman ang kasama ng close contacts.
“Doon sa first generation contacts, kasama ang mga pasahero na taga-QC na kasama niya, health workers, staff na nag-alalay at tumulong sa pasyente na pumuntang hotel hanggang isolation facility.
“More than half of them have already been swabbed, and all of them are already on quarantine. Wala pa pong results.”
Samantala, isinailalim na rin umano sa COVID-19 testing ang mga miyembro ng pamilya ng naturang pasyente bilang “precautionary measure” kahit na walang naganap na physical contact, ayon kay Mayor Belmonte.