ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 14, 2021
Ginagamot ang 3 health workers sa Norway na naturukan ng AstraZeneca COVID-19 vaccine matapos makaranas ng pagdurugo, blood clots o pamumuo ng dugo at mababang bilang ng platelets, ayon sa Norwegian health authorities noong Sabado.
Noong Huwebes, ipinatigil ng Norway ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca katulad ng Denmark. Sumunod sa dalawang bansang tumigil din sa paggamit nito ay ang Iceland.
Sa isinagawang news conference kasama ang Norwegian Institute of Public Health, nilinaw ni Sigurd Hortemo, senior doctor ng Norwegian Medicines Agency na wala ring kasiguraduhan kung may kaugnayan ba sa bakuna ang naranasan ng 3 indibidwal.
Aniya, "We do not know if the cases are linked to the vaccine."
Wala pa diumano sa 50-anyos ang tatlo.
Ayon din kay Hortemo, iimbestigahan ng European medicine regulator European Medicines Agency (EMA) ang insidente.
Pahayag naman ni Steinar Madsen, medical director ng Norwegian Medicines Agency, "They have very unusual symptoms: bleeding, blood clots and a low count of blood platelets.
"They are quite sick... We take this very seriously."