ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 25, 2021
Maaari nang lumabas ang mga edad 10 hangggang 65 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) simula sa February 1 ngunit kailangang kasama ng mga bata ang kanilang magulang, ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Linggo.
Paglilinaw ni Cabinet Secretary and IATF Co-Chairperson Karlo Nograles, “Hindi naman basta-basta lalabas ‘yan kung hindi kasama ang magulang. Meron po tayong panibagong clarificatory resolution na ilalabas na ‘yung paglabas ng bata is dapat kasama ang magulang para ma-supervise.”
Aniya pa, “Sa ibang bansa po, hindi sila kasing restrictive po natin sa galawan ng mga kabataan. Sa ibang bansa po, hindi nila ikinukulong ang mga bata sa loob ng tahanan. As far as pag-survey naman sa iba’t ibang ginagawa ng bansa, tayo po ‘yung pinaka-restrictive.”
Nagdesisyon din ang IATF na luwagan na ang age restriction dahil “manageable” umano ang kaso ng COVID-19.
Aniya, “Nakita namin na after Christmas holidays, manageable naman ang cases natin per day, nagkadesisyon kami na babaan ang age restriction to 10.”