ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 4, 2021
Sasagutin ng ice plant na pagmamay-ari ng pamilya ng ina ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang pagpapalibing at hospital treatment ng mga biktima ng ammonia leak incident na naganap noong Miyerkules sa Navotas.
Umakyat na sa dalawa ang bilang ng mga nasawi at marami ang nasa ospital pa dahil sa naturang insidente sa T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage.
Pahayag ni Tiangco, "‘Yung hospital bill at saka burial cost ay dapat sagutin ng kumpanya because ang aksidente ay nanggaling po sa kumpanya.
“I have ordered the Navotas City government and Navotas City Hospital to make accounting of all expenses. Normally, we don’t do that. Even if a private company caused a damage, that is shouldered by the city government.
"In this case I will not allow the city government to spend a single centavo, so lahat ng nagastos ng city government d'yan, kailangang bayaran ng kumpanya out of delicadeza kasi nga kamag-anak ko 'yun."
Sisiguraduhin din umano ni Tiangco na bibigyan ng mga may-ari ng ice plant ng assistance ang mga biktima.
Saad ng alkalde, "Ako'y humihingi ng paumanhin du’n sa lahat ng naperhuwisyo. Kahit po ayan ay kumpanya ng nanay ko, kailangan po silang sumunod sa lahat ng regulasyon at sisiguraduhin po nating susunod sila."
Tinatayang aabot sa 50 residente ang isinugod sa Navotas City Hospital at nasa 20 naman ang dinala sa Tondo Medical Center na nakauwi na sa kani-kanyang tahanan. Dalawampung residente naman ang nananatiling under observation sa Philippine General Hospital.
Samantala, inaalam pa rin ng awtoridad ang sanhi ng insidente.
Saad pa ni Tiangco, “What we have to determine whether there was a leak or the tank exploded. I have to get that report from the Bureau of Fire Protection.
“If there are any national government agencies who want to investigate, I welcome you and I encourage you to be the one to investigate so it will be impartial.”
Inihain na rin ang closure order sa naturang planta.