ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 19, 2021
Humingi ng paumanhin si Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. dahil sa delayed na pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Sa naganap na pagbisita ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (C.O.D.E.) Team sa Pateros, pahayag ni Galvez, “Sa ating mga mayors, kaunting pasensiya lang po. Pasensiya na po talaga na talagang hindi po natin kasi hawak iyong ating supply chain doon sa ating mga vaccines.”
Aniya pa sa mga mayors at sa Metropolitan Manila Development Authority, “Sana po, maintindihan n’yo po ang kalagayan ng gobyerno. Kami po talaga, ginagawa po namin ang aming magagawa, lalo na sa FDA (Food and Drug Administration), na sana ‘yung ating vaccine na dadalhin dito ay very safe, effective.”
Ayon din kay Galvez, marami ang kailangang proseso na nakakaapekto sa pagbili at pagdating ng vaccines sa bansa.
Aniya pa, “Minsan, ako po’y nahihiya dahil sabi nga, bakuna na lang ang kulang. Nasaan na ‘yung bakuna? Iyon ang question po sa atin ngayon.
“Bilang the leading person to really procure and manage and get the best vaccine for all of us, nakita natin na talagang medyo nahuli tayo nang kaunti, pero kung titingnan din natin, ang Australia, hindi pa sila nagsisimula…”
Inaasahang darating sa bansa sa pangalawang linggo ng Pebrero ang aabot sa 5.5 million hanggang 9.2 million doses mula sa AstraZeneca. Aabot naman sa 117,000 doses ang mula sa Pfizer-BioNTech.
Ngunit ayon kay Galvez, nagkaroon ng problema sa delivery ng COVID-19 vaccines mula sa AstraZeneca dahil sa manufacturing complications.
Samantala, siniguro naman ni Galvez na patuloy ang pakikipag-ugnayan sa COVAX facility.
Saad pa niya, “We are hopeful na iyong COVAX, they will fulfill their commitment to bring us the 44 million doses.
“Dapat intindihin din natin sila, na iyong pagbabakuna ng buong mundo, isang malaking hamon din sa kanila.”