ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 23, 2021
Nagpositibo sa COVID-19 ang isang ina at 4-month-old nitong baby sa Pasay City kaya lalong pinaigting ng lokal na pamahalaan ang health protocols.
Pahayag ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano, “Doblehin po natin ang pag-iingat sapagkat wala po talagang sinasanto ang sakit na ito at hindi namimili kung bata o matanda ang magiging biktima.”
Ayon sa nurse ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na si Mark Anthony Castillo, inilipat na ang mag-ina sa Mall of Asia Quarantine Facility.
Samantala, noong Sabado, matatandaang isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang 33 barangay at isang establisimyento sa Pasay City dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.
Noong Lunes ay mayroon nang 395 active COVID-19 cases sa naturang lugar.