ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | July 5-6, 2024
STORY — JUNE 5, 2024
Gusto nang makampante ni Cecil, dahil wala namang nangyayari sa kanila.
Dalawang araw na rin mula nang manganak siya, iniisip niya tuloy na baka hindi pa alam ni Eliza ang tungkol sa kanyang panganganak.
“Huwag kang maging kampante,” wika ni Malambing.
“Pati ba naman iniisip at nararamdaman ko, binabantayan mo rin?”
“Gusto ko lang ipaalala sa iyo ang kalagayan mo.”
“Normal na tao lang ako.”
“Alam mong hindi ka pangkaraniwang tao.”
Naiirita na siya sa tinutumbok ng kanilang usapan, ngunit hindi niya magawang magtaray. Ayaw niyang magising ang anak niyang mahimbing na mahimbing na natutulog. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapangiti dahil napakaamo ng mukha nito, at para bang pinaghalo ang hitsura nila ni Anthony.
Nang maalala niya si Anthony, napangiti siya. Kung hindi pa kasi niya ito pinilit na magtrabaho, hindi ito aalis sa tabi nila. “Mas lalo mong dapat ingatan ang mahal na prinsesa, dahil siya ang susunod na mamumuno.”
“At bakit siya?”
“Kasi siya ang tagapagmana mo.”
“Dito lang kami sa lupa, at hindi kami pupunta sa lugar na sinasabi mo, Malambing!”
“May mga nakatakda para sa’yo. Kaya kailangan mo na bumalik sa kaharian upang tuparin ito.”
“Ang responsibilidad ko ay ang pamilya ko,” mariin niyang sabi.
“Kung responsibilidad mo ang mag-ama mo, dapat mas lalo mo silang protektahan dahil kapag hindi mo tinanggap ang pagiging reyna, mas mamayani si Eliza at ang maitim niyang balak. Maaari pa niyang agawin sa’yo ang asawa’t anak mo”
“Hindi ako papayag.”
“Masasabi mo lang ‘yan, kung ikaw ang mas makapangyarihan sa nilalang na gusto kang pahirapan,” marahang sabi nito na nagpabilis ng tibok ng kanyang puso.
Itutuloy…
STORY — JUNE 6, 2024
Hindi man siya maging isang reyna, kaya niya naman makipagbakbakan para sa kanyang pamilya.
Sa punto na iyon, hindi napigilan ni Cecil ang matawa. Wala naman kasi siyang alam sa pakikipagsuntukan at pakikipag-away.
Subalit sabi naman ni Malambing, hindi siya nito pababayaan, at tutulungan umano siya nito na makipaglaban. Kailangan niyang gawin iyon bilang reyna dahil tiyak na hindi papayag ang mga kalaban niya na basta na lamang siyang maupo sa trono.
“Hindi ka pa puwedeng mag-training,” mariing sabi ni Anthony, ramdam sa boses nito ang matinding pag-aalala.
“May responsibilidad…”
“Kakapanganak lang niya,” buwisit na singhal ni Anthony kay Malambing.
“Baka nakakalimutan mo, hindi ordinaryong tao ang asawa mo. Isa pa, dapat mo ring malaman na ikaw ang dahilan kaya nagulo ang kanyang buhay. Dahil sa sumpa na ipinataw sa’yo ni Eliza.”
“Matagal na naglaho ang sumpang iyon,” wika ni Anthony na may kayabangan pero hindi rin maikakaila sa boses nito ang guilt na kanyang nararamdaman.
“Iyon ang akala mo.”
Siya naman ang nagulat sa sinabing iyon ni Malambing. May kaba siyang naramdaman na talaga namang nagpakabog sa kanyang dibdib. Pakiwari nga niya’y para iyong drum na tinatambol.
“Hindi mawawala ang sumpa, maliban na lang kung babawiin ito mismo ng nagsumpa. O ‘di kaya…”
“Ano?” Inis niyang tanong.
“Mapapahamak ka.”
“Mamamatay ako?” Diretsahang tanong ni Anthony.
Bigla siyang kinilabutan sa tinuran ng asawa. Pagkaraan ay umiling siya. Hindi niya siyempre hahayaang mangyari iyon.
“Sa nalaman mo ngayon, tatanggapin mo na ba ang responsibilidad bilang isang reyna? Ito lang ang paraan upang maprotektahan mo ang pamilya mo.”
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Cecil at sabay tanong na, “Kailan natin sisimulan ang training?”
Itutuloy…