ni Thea Janica Teh | November 3, 2020
Nag-donate ng £1 million o mahigit P62.8 milyon sa Pilipinas pati na rin sa Vietnam ang pamahalaan ng United Kingdom ngayong Martes upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly.
Ayon sa Minister for Asia at the Foreign, Commonwealth & Development Office (FCDO) na si Nigel Adams, malaki umano ang naging impact ng bagyong Rolly sa buhay ng mga residente ng Pilipinas at Vietnam.
Umabot sa 19 katao sa Pilipinas ang namatay dahil sa bagyo at libu-libong residente ang nawalan ng tirahan. Samantala, apat na bagyo naman ang tumama sa Vietnam na naging sanhi ng pagbaha at landslide.
Ang donasyon ng UK ay dadaan sa International Federation of Red Cross (IFRC) kung saan ipapadala sa local Red Cross partners.
Ito ay gagamitin para sa pagpapagawa ng tahanan, pagbibigay ng pagkain at tubig at pagbibigay ng kabuhayan sa halos 80,000 Filipino at 160,000 Vietnamese.