ni Rohn Romulo @Run Wild | August 2, 2023
Sa araw na ito, ika-2 ng Agosto, magsisimula ang pinakamalaking motorsport event sa Pilipinas na gaganapin sa boardwalk ng Okada Manila sa Paranaque City.
Ang Motorsport Carnivale 2023 ay 5-day sporting event na pinangungunahan ng Philippine Rallycross Series na inaasahang magkikita-kita ang mahigit 50 racers papunta sa Tarlac at pabalik.
Gaganapin ang awarding ceremonies sa Okada Manila sa Agosto 6, na kung saan tatanggap ng special award sina Richard Gomez at Matteo Guidicelli.
Pinangunahan ang event ni Paranaque City Councilor Jomari Yllana na matagal nang mahilig sa karera. Umaasa siyang maibabalik ang glory days ng mga motorsports sa bansa, kung saan ginanap ang Philippine Grand Prix sa Maynila mula 1973 hanggang 1976.
Sinabi ni Yllana na gusto niyang hikayatin ang mga Pilipino na yakapin ang mayamang kasaysayan ng Philippine motorsports sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng mga mahihilig sa karera at panatiko sa isang komunidad.
Si Yllana ay nanalo at nakalagay sa ilang lokal na karera at siya ang unang Filipino podium finisher sa Yeongam International Circuit sa South Korea noong 2014. Siya rin ang principal driver ng pro-racing team, Yllana Racing.
Samantala, tuloy na tuloy na pala sa November ang civil wedding nila ni Abby Viduya na gaganapin sa Las Vegas, Nevada. Pagkatapos nito ay magkakaroon naman sila ng church wedding sa hometown ng mga Yllana sa Camarines Sur, na ang kanilang time frame ay mula sa 2024 hanggang 2025.