ni Rohn Romulo @Run Wild | February 2, 2024
Inamin ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Lala Sotto na may isang segment sa It’s Showtime ang pinapanood niya, ito 'yung EXpecially For You.
Say niya, “Nakakaiyak kasi ‘yung ibang kuwento.”
Tanong tuloy sa kanya, alam ba ni former Senator Tito Sotto na pinapanood niya ang isa sa mga katapat ng Eat…Bulaga!?
“Lahat naman, pinapanood ko,” natatawa pa ulit na sagot ni Chair Lala.
Sa aming tsikahan kasama ang mga officers ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), isa 'yun sa mga napag-usapan.
Matatandaan na sinuspinde ng MTRCB ang It’s Showtime last year nang two weeks dahil sa mga reklamong ginawang landian nina Vice Ganda and Ion Perez sa isang segment ng show.
May constant communication daw sila sa production. Mas naging maingat na raw ang grupo ng noontime show after ng nangyari.
Pag-amin ni Chair Lala, never pala niyang nakita o nakilala si Vice Ganda.
Binabantayan din nila ang Batang Quiapo and Black Rider nina Coco Martin at Ruru Madrid respectively, dahil nakatatanggap din sila ng reklamo sa matitinding eksena ng mga naturang serye.
“Normal naman ‘yun dito sa MTRCB. Almost everyday, may mga production or show kaming ipinapatawag. If not almost, it’s really every day,” banggit pa niya.
Hindi naman nawawala ang mga bashers, kaya hindi na nagpapaapekto si Chair Lala.
“Don’t let it affect you by not... Just don’t read it. Parang you don’t want to listen to opinions that don’t matter to you. Maaapektuhan lang ako ‘pag may sinabi na sa akin ang magulang ko (Tito Sen at Helen Gamboa).”
Samantala, bukod sa dalawang programa ng SMNI, ipinagbawal na rin ng nasabing ahensiya ng pamahalaan simula nu'ng isang araw ang pag-ere ng programang Private Convos with Doc Rica sa One News Cable Channel dahil sa pagpapalabas nito ng episode na labag sa alituntunin ng MTRCB rating.
May plano rin daw ang MTRCB na magpatawag ng compliance seminars hindi lang sa mga noontime shows, kundi pati sa buong network, at isa ito sa ating mga aabangan.
At nakatutok pa rin sila sa responsableng panonood sa buong bansa.
Sa ngayon, super happy si Chair Lala sa kanyang posisyon at wala siyang pinaplano ngayon kung tatakbo ba siya uli o hindi after na maging chairperson ng MTRCB.