ni Mai Ancheta | June 2, 2023
Tinangggihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad na maging anti-drug czar sakaling ialok ito sa kanya ng administrasyon.
Sinabi ng dating pangulo sa isang panayam sa telebisyon na mayroong nakaupong presidente at tungkulin nitong ipatupad ang batas at lutasin ang mga krimen sa bansa.
Hindi na aniya kailangang umeksena pa siya sa ginagawa ng mga otoridad at sa halip ay hayaan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawin ang kanyang trabaho.
Mahigit isang taon pa lamang naman aniya si Marcos sa puwesto kaya hayaang gawin ang kanyang mandato.
"Mukhang hindi na rin tama, because there is the President duly elected and it is his duty to enforce the law and solve crimes. Let us give Marcos the leeway to do his job. Its just one year," ani Duterte.
Binigyang-diin nito na ang mga pulis ang sakit ngayon ng kasalukuyang administrasyon kaya dapat gawin ng Pangulo kung ano ang inaakala nitong tamang gawin para malutas ang problema sa droga.
Sinabi ng dating Presidente na kung sa kanyang administrasyon nangyari ang pangungupit ng droga at ire-recycle sa labas ay malamang patay na ang mga ito.
"The degree of temptation pangmalakihan ito eh, it has become a passion for almost everybody because the lure effect of pera. Kung sa panahon ko siguro nangyari ito, 'yung iba hindi naman lahat, patay na mga ito," ani Duterte.
Matatandaang iminungkahi nina Senador Bong Go at Senador Ronald 'Bato' dela Rosa na gawing anti-drug czar si Duterte matapos mabuko na ilang opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot sa illegal drug trade sa bansa.