ni Mylene Alfonso @News | September 8, 2023
Naniniwala si dating Pangulong Rodrigo Duterte na "daydreaming" lamang ang presyo na P20 kada kilo ng bigas dahil sa batas ng supply at demand sa pandaigdigang merkado.
Sinabi pa ni Duterte na maaaring umabot pa sa P90 kada kilo ang retail price ng bigas sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng mga pataba at iba pang kagamitan sa sakahan.
"In the fullness of God’s time aabot talaga ito ng mga nubenta, walang bumaba, ang inflation will always go up as the years would come. Wala ng bumaba 'yan," ani Duterte.
Dapat aniyang tanggapin ng mga Pilipino ang katotohanan na walang paraan para bumaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo, na masyadong mababa at hindi makatotohanan, kung ikukonsidera ang kasalukuyang sitwasyon sa merkado.
"By our standard, P20 is masyadong mababa ‘yan and rice-producing countries have also limited the volume of rice they could export as they also do not have enough land to plant rice on. It is development, from forestal to agriculture, then to commercial," sabi ni Duterte.
Dagdag pa ni Duterte, kailangan na maging handa ang gobyerno na mawalan nang hindi bababa sa P3 bilyon para makabili ng bigas ng mas mataas na presyo at maibenta sa mga tao sa mas mababang halaga para maiwasan ang posibleng “rebolusyon” na bunga ng krisis sa pagkain.
Matatandaang noong panahon ng kampanya isa sa mga campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang P20 kada kilo ng bigas.