ni Mylene Alfonso @News | Jan. 21, 2025
File Photo: Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte - FB
Nagsisinungaling umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa alegasyon niya na may pinirmahang blangko sa 2025 national budget.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., alam ni Duterte bilang dating presidente na hindi maaaring magpasa ng General Appropriations Act (GAA) nang may blangkong items.
Ani Marcos, batid din ni Duterte na hindi pa nangyari ang ganitong insidente sa kasaysayan ng Pilipinas.
Malinaw aniya na nakasaad sa GAA ang bawat programa at proyekto at kung magkano ang alokasyon sa mga ito.
“He’s lying. He’s a President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying. And he’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen. Sa buong, sa kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano 'yung project, at saka ano 'yung, 'yung gastos, ano 'yung pondo. So, it’s a lie," paliwanag ni Marcos sa ambush interview sa Taguig City.
"We, ah, I was watching the news earlier today and people were saying, it’s 4,000 pages. Papaano namin bubusisiin 'yan. Para titingnan namin iisa-isa. Hindi na lang. Meron namang kopya, that’s available on the website of the DBM. Tingnan n'yo, huwag na ninyo busisiin isa-isa."
Sinabi ni Marcos na available rin ang nasabing dokumento para suriin ng publiko sa website ng Department of Budget and Management (DBM).
"Hanapin niyo 'yung sinasabi nila na blank check. Tingnan n'yo kung meron kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasabi kong kasinungalingan 'yan, That’s my reaction,” hamon pa ni Marcos.
Matatandaang pinuna ni Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang 2005 national budget dahil wala umano itong bisa at hindi dapat ipatupad dahil sa mga blangko sa Bicameral Report.