ni Mylene Alfonso | May 19, 2023
Isinusulong ni Senador Robinhood "Robin" Padilla ang parusang kamatayan para sa mga taga-Bureau of Customs, Armed Forces of the Philippines at maging sa Philippine National Police na sangkot sa smuggling partikular ang agricultural smuggling, na aniya'y nakaapekto nang masama sa kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino.
Sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill 2214, nais ni Padilla na amyendahan ang Section 4 ng Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, kung saan papatawan ng parusang kamatayan ang naturang krimen.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform nitong Huwebes, iginiit ni Padilla na masakit isipin na ang nakakapahamak sa mga Pilipino ay ang mga inatasang magpapatupad ng batas.
"Magsasaka ang mga nahihirapan dito, kabuhayan ng mahihirap na tao. Agricultural country tayo, sinasabing agricultural country tayo pero nag-i-import tayo, di ba nakakahiya yan? Law enforcement kayo. Pinamumugaran tayo ng smuggling. Sa tingin n'yo ba masaya ako na life imprisonment lang kayo?" aniya sa taga-BOC na dumalo sa pagdinig.
Binanggit pa ni Padilla na naghain na siya ng Senate Bill 2042 na papataw ng parusang kamatayan sa security personnel na sangkot sa murder, balak niyang maghain ng panukalang batas na ang mga taga-BOC na mapapatunayang involved sa smuggling ay "dapat kamatayan din" ang parusa.
Ipinunto ng senador na kung hindi malulutas ang nasabing problema, hindi matatapos ang problema ng pagkakaroon ng rebelde.
"Meron tayong pag-uusap sa kapayapaan para mawala ang rebelde. Paano naman mawawala ang rebelde kung pinapahirapan naman natin ang magsasaka? Para tayong naglolokohan sa bansa na ito. Kaya po sana mga mahal kong kababayan magtulung-tulong tayo sa usaping ito," dagdag pa niya.