top of page
Search

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Dec. 23, 2024



Photo: Robin Padilla - FB


Unti-unti nang nagkakaroon ng linaw ang pagsusulong ni Sen. Robin Padilla na i-legalize ang medical cannabis or medical marijuana sa Pilipinas.


Matagal nang ipinu-push ni Sen. Robin ang Senate Bill (SB) No. 2573 or the Cannabis Medicalization Act of the Philippines pero dahil marami ang kumokontra rito ay hindi ito umuusad.


“Sa matagal na panahon po lagi po itong umaabot ng third reading sa House pero pagdating po sa Senate hindi po ito tumatakbo. Siguro po dahil sa generation gap dahil matagal sa panahon na ‘yung mga nakaupo rin sa ‘ting Senado, sa ‘tin pong mataas na Kapulungan ay medyo nakatatanda,” pahayag ni Sen. Robin sa presscon na ginanap kamakailan.


“Ang mga nakaupo po ngayon na mga senador ay mas kaedad po natin, mas naiintindihan na po nila kung ano ang benepisyo ng cannabis. Kaya po ngayon, umabot na po kami sa interpellation,” aniya.


Nasaksihan mismo ni Robin ang bisa ng medical cannabis sa mga taong may sakit nang magpunta siya sa Israel at Prague kamakailan.


“Nu’ng magpunta po ako du’n, medical cannabis ang kanilang ginagamot po sa number one, sa kanilang mga matatanda, sa pain, cancer and old people.


“When I went to Israel, I went to the lab (laboratory), they showed me the difference between recreational and medicinal cannabis. Kasi alam n’yo ‘yung recreational, kahit saan lang ‘yan.

“Pero iba po ang medical, malinis, lahat. Ine-explain po nila ‘yun. Ipinakita nila kung ano ang hitsura ng lab nila o paano ginagawa ‘yung oil, malinis po talaga,” kuwento niya.


Dinala rin daw siya sa nursing home ng Israel at nakita niya rin mismo na ginagamit ang cannabis oil sa mga inaalagaang mga Israeli roon.


“Nakita ko talaga, eh. So, bumalik ako dito, ikinuwento ko sa Senado. Medyo mayroon pa rin silang konting tanong. Pumunta naman ako ng Prague. Kasi magkaiba, eh. Bawat bansa, iba ang kanilang pamamaraan.


“Sa Prague, ang specialty nila is not oil, capsule ang kanila. Pero same lang din,” paliwanag niya.


Bukod nga sa magandang naidudulot nito sa ating kalusugan, very affordable pa raw ang medical cannabis at kayang-kaya ng ating mga mahihirap na kababayan.


“Ito na ang pinakamura at pinakaepektibo na puwede pong i-subsidize ng gobyerno,” aniya.

Hindi raw tayo dapat matakot kung may mga taong aabusuhin ang medical marijuana dahil wala raw itong negative effect sa ating kalusugan at nakakabuti pa nga.


“Panahon na para ma-realize ng ating mga kababayan na ang panahon ng marijuana, eh, tapos na po ‘yan. Ngayon po ay medical cannabis na,” aniya.


Aminado naman siyang noong araw ay na-try na rin daw niya ang recreational marijuana.


“Siyempre, na-experience natin ‘yung recreational noong araw pa. Hindi naman tayo nagsisinungaling, ano? That is why I’m the ‘Bad Boy of The Philippine Movies’ (tawag sa kanya noon). We experienced everything.


“Pero siyempre, iba ‘yung medical cannabis. We cannot compare medical cannabis to recreational marijuana, malayung-malayo po,” aniya.


Naniniwala si Sen. Robin na maaaprubahan din sa Senado ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines dahil marami na rin daw senador ang kanyang kakapit-bisig at sumusuporta sa bill na ito.


Samantala, humarap din sa presscon ang mga scientist and doctors na sina Dr. Shiksha Gallow, Dr. Romeo Quijano, and Dr. Angel Joaquin Gomez para ipaliwanag ang medical cannabis at ang magandang naidudulot nito sa mga taong may sakit.

 
 

ni Mylene Alfonso | June 1, 2023




Upang maunawaan ng pangkaraniwang Pilipino ang panukalang Maharlika Investment Fund Act, isinusulong ni Sen. Robinhood 'Robin' C. Padilla ang pagsalin sa Filipino ng panukalang batas at ang kaugnay nitong dokumento.


Ginawa ni Padilla ang pahayag na nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na dokumento ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagmungkahi ng pag-amyenda sa Maharlika bill sa Senado, Miyerkules ng madaling-araw.


Tinanggap ito ni Sen. Mark Villar, ang sponsor ng Maharlika bill.


"Magmula kaninang umaga, marami na po tayong kababayang nand'yan sa labas at sila nagpoprotesta at sa kanila pong sinasabi hindi nila naintindihan ang atin pong panukala na Maharlika bill. Kanina din pong tanghali meron tayong bisitang barangay captain.


Nang sinabi po natin sa kanila tungkol sa Maharlika bill na ito, ating panukala, sila po ay (nagsabi), 'di namin naintindihan 'yan," paliwanag ni Padilla.


Ipinunto rin ni Padilla na sa Sec. 6, Art. XVI ng 1987 Constitution, ang pamahalaan ay gagawa ng hakbang para gamitin ang Filipino bilang "medium of official communication and as language of instruction in the educational system".


Unang tinanggap ni Villar ang panukala ni Padilla sa seksyon tungkol sa right to freedom of information of the public: "All documents of the MIF (Maharlika Investment Fund) and MIC (Maharlika Investment Corp.) shall be open, available and accessible to the public in both English and Filipino".


Isa pang panukala ni Padilla na tinanggap ni Villar ay sa "Effectivity" kung saan ang pagsalin ng batas sa Filipino ay ilalathala sa Official Gazette o sa dyaryong may general circulation sa Pilipinas.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 31, 2023




Isinusulong ni Senador Robinhood "Robin" C. Padilla ang panukalang batas na may parusang 20 taong kulong laban sa military and uniformed personnel (MUP) na hindi magsasabi ng totoo sa imbestigasyon ng Kongreso upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno lalo na ang pulis, militar at ibang uniformed services.


Inihain ni Padilla ang Senate Bill 2265 matapos na-cite in contempt ang mga pulis na hindi nagsabi ng totoo ng mga senador na nag-iimbestiga sa umano'y pagkasangkot ng ilang pulis sa droga.


Paparusahan ng panukalang batas ang empleyado ng gobyerno na gagawa ng maling pahayag sa imbestigasyon na ginagawa ng Kongreso bilang bahagi ng oversight function o sa paggawa ng batas.


Kulong naman na hanggang 10 taon ang naghihintay sa empleyado ng gobyerno na magbibigay ng maling pahayag partikular tungkol sa mga krimen tulad ng rape (RA 7659); Title 7 (crimes committed by public officers) of Act No. 3815; and violations of the Government Procurement Act; National Internal Revenue Code; Tariff and Customs Code; Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016; Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Revised Corporation Code; Anti-Money Laundering Act of 2001; Dangerous Drugs Act of 2002; Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; Anti-Terrorism Act of 2020; Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012; at Omnibus Election Code.


Ang parusang 20 taong kulong ay para sa mga lumabag na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), National Mapping and Resource Information Agency (NAMRIA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ibang law enforcement agencies, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue, at Bureau of Customs.


Naghihintay din ang multa na P3 milyon, kasama ang pagbabawal na magkaroon ng puwesto sa pamahalaan ang sinumang lalabag dito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page