ni Lolet Abania | June 19, 2022
Ginunita ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang ika-161 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal sa pagsasagawa ng wreath-laying ceremony sa kanyang bantayog sa Rizal Park, ngayong Linggo, Hunyo 19.
Ang okasyon ay pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna, kasama ang iba’t ibang personalidad, organisasyon, at mga kaanak ni Rizal na naghandog ng mga bulaklak sa pambansang bayani.
“Bilang mga Pilipino, karapatan natin na alalahanin at pahalagahan ang pagbuwis ng dugo at buhay ng ating mga bayani sa pangunguna ni Dr. Jose Rizal,” pahayag ni Expedito Laurente Gonzales ng Crusaders for the Upliftment of our Faith.
“It’s important for us to cherish not only the memory but also the legacy he has built for us as we can see today,” saad ni Teodoro Kalaw IV ng Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines.
Marami ring naroon sa Rizal Park ang sandaling napahinto sa paglalakad at pamamasyal habang nag-oobserba sila sa ginanap na selebrasyon.