top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 19, 2023




Lubos na nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon ang naging paglaya ni dating Sen. Leila de Lima sa oposisyon, ayon sa paniniwala ni Sen. Risa Hontiveros.


Sinabi ni Hontiveros sa isang episode ng The Mangahas Interviews nu'ng Nobyembre 18 na magreresulta ang paglaya ni De Lima matapos ang halos pitong taong pagkakapiit sa mas epektibo at makapangyarihang hakbang hindi lamang ng oposisyon kundi ng bansa.


Aniya, matapos ang ilang taong pagkakakulong ay hindi nawala sa dating senadora ang diwa nito na nagbibigay ng lakas at pagiging positibo sa kanilang lahat sa oposisyon.


Dagdag niya, ang nalalapit na tuluyang kalayaan ng kasama ang labis na magbibigay ng saya sa kanila.


Matatandaang sinabi ni De Lima kamakailan na siya ay mananatili sa kanyang dating partido at aayusin niya ang kanyang kumpletong kalayaan para malinis ang kanyang pangalan at mabigyan siya ng katarungan.


 
 

ni Mylene Alfonso | April 22, 2023




Inirekomenda ni Senador Risa Hontiveros na ibigay na lang ang mga nakumpiskang smuggled na asukal sa Department of Social Welfare and Development kung saan ipamahagi na lamang nang libre sa mga kapos-palad at biktima ng mga kalamidad.


Ayon kay Hontiveros, ito ay sa halip na ibenta sa Kadiwa stores ang mga nasamsam na smuggled na asukal.


Una nang inihayag ng Sugar Regulatory Administration na binago nito ang mga kasalukuyang regulasyon upang pahintulutan ang pagbebenta ng hindi bababa sa 4,000 metrikong tonelada ng smuggled na asukal sa mga tindahan ng Kadiwa sa buong bansa.


Ang nasabing sugar stocks, na nauna nang nakumpiska sa magkasamang operasyon ng Bureau of Customs at Department of Agriculture, ay ibebenta sa mga konsyumer sa halagang P70 kada kilo.


“Bakit pagkakakitaan pa ang galing sa ilegal? Sa komputasyon ng aking opisina, dapat P65 lang ang presyo ng asukal na imported galing Thailand. Hindi ba ang goal ay magiging abot-kaya ang presyo para sa lahat ng Pilipino? Pero bakit mataas pa rin ang presyo kung ibebenta?,” hirit ni Hontiveros.


Ipinunto ng senador na sa halip na umasa sa smuggled na asukal para mag-suplay sa mga tindahan ng Kadiwa, kailangan lamang umano ng SRA na palawakin ang listahan ng mga traders at industriya na awtorisadong bumili ng sarili nilang mga suplay ng asukal.


Hindi dapat aniya nilimitahan lang sa tatlong “pinaboran” na mga supplier na All Asian Countertrade Inc, Edison Lee Marketing Corporation, at Sucden Philippines.


Dapat din dagdagan aniya ang listahan ng traders at industriya na papayagang mag-angkat ng 450,000 metric tons na gustong ipasok ng SRA sa bansa.


Tulad ng sa mga nakaraang taon, ang mga ito ay makikipagkumpitensya upang mag-alok ng pinakamababang presyo sa merkado, taliwas sa mataas na presyo na idinidikta ng kartel.


Maaari rin palawigin umano ng DA at SRA ang kanilang pakikipagtulungan sa mga stakeholder sa lokal na industriya ng asukal upang mapataas ang ani ng produksyon kahit na sa kasalukuyang panahon ng milling ng asukal - alinsunod sa mga panukala ng mga grupo tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura ( SINAG).


“Hindi pagkunsinti sa smuggling ang sagot sa ating problema sa mataas na presyo ng asukal. Huwag tayong magpadala sa palusot ng mga nais manamantala sa problema sa hapag-kainan ng taumbayan,” pagtatapos ni Hontiveros.


 
 

ni Mylene Alfonso | April 19, 2023




Muling binuhay ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang panawagan na ipasa ang Senate Bill 147 o ang Dissolution of Marriage Act.


Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, kailangan ang batas na ito ng mga kababaihang biktima at nakaligtas sa pang-aabuso sa tahanan.


“Bigyan na natin ang ating mga kababaihan ng pagkakataong makalaya sa masalimuot at abusadong pagsasama. Bigyan natin sila ng oportunidad na mahalin at magmahal muli. Ipasa na ang Divorce Bill,” ani Hontiveros, na siya ring may-akda ng panukala.


Batay sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippines Statistics Authority, isa sa apat na babaeng 15 hanggang 49 taong gulang na may asawa, ay nakaranas ng karahasan sa kanila mismong mga asawa, pisikal man, sekswal, o emosyonal.


Iniulat din ng mga survey na karamihan sa mga sumasang-ayon sa diborsyo ay mga babae.


"Ang sabi nga ng iba, isang papel na lang ang nag-uugnay sa kanila. Bakit pa ipagkakait sa kanila ang kalayaan at hayaang nakakulong sa isang relasyon na mapanakit, walang pagmamahalan at pagpapahalaga sa isa't isa?" wika pa niya.


"2023 na, wala pa ring divorce. It’s time to change this,” diin pa ni Hontiveros.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Robin Padilla, na nakaranas mismo ng diborsyo, dapat na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa diborsyo.


"Ako po ay divorced sa aking ex-wife at kami namang 2 ay maligaya. Siya ay nakapag-asawa na at ako naman ay nakapag-asawa na. At ganoon din ang aming anak, maliligaya din. ‘Di kami dumaan sa aso’t pusa, batuhan dito, batuhan doon. 'Di kami dumaan doon kasi kami malayang nakapagdiborsyo sa Sharia court," punto ni Padilla.


Samantala, inihayag ni Sen. Raffy Tulfo na nakita na niya kung ano ang hirap at pagtitiis ng mga ikinasal na hindi na nagkakasundo.


"Prior to my election as senator, I have seen countless persons stuck in toxic or unproductive marriages. They are left to suffer endlessly detrimental to [their] physical and psychological well-being. It is time to save Filipinos from this dead-end situation by enacting a divorce law," dagdag pa ni Tulfo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page