ni Mabel Vieron @World News | July 3, 2023
Inihayag ng France Interior Ministry na nagpakalat na sila ng mahigit 45,000 na kapulisan sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bansa dahil sa patuloy na kaguluhan at protesta.
Ang ugat ng naturang riot ay matapos umanong barilin ng isang pulis ang isang binatilyo malapit sa traffic light sa Paris, France.
Sinunog ng mga ralista ang mga sasakyan at gusali, at pinagbabasag ang mga salamin.
Ayon sa awtoridad, umabot sa 79 police post, 119 na public buildings kabilang ang 34 town hall at 28 na paaralan ang inatake ng mga ralista.
Ito na umano ang isa sa pinakamatinding krisis sa pamumuno ng kanilang pangulong si Emmanuel Macron mula nang magsimula ang Yellow Vest protest noong 2018.
Kabilang sa mga lugar kung saan nagpapatuloy ang kaguluhan ay ang mga lungsod ng Marseille, Lyon, Toulouse, Strasbourg at Lille.