top of page
Search

ni Lolet Abania | June 10, 2022



Patay ang isang election officer matapos na barilin ng mga hindi nakilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Lapu-Lapu sa Piñan, Zamboanga del Norte, nitong Huwebes ng gabi, ayon sa pulisya.


Sa spot report ng mga awtoridad ngayong Biyernes, kinilala ang biktima na si Engr. Maricel Adritico Peralta, 45-anyos, election officer. Sakay sina Peralta at Maritess Inding, 52-anyos, assistant election officer, sa kanyang sasakyan habang pauwi na ng bahay nang ang mga hindi nakilalang salarin lulan ng isang motorsiklo ang bigla silang barilin mula sa likurang bahagi, sa Lapu-Lapu Bridge.


Ayon sa pulisya, tinarget talaga ng mga suspek ang bahagi ng driver’s seat ng sasakyan, kung saan tinamaan si Peralta. Dead-on-the-spot si Peralta habang hindi naman nasaktan si Inding.


Agad na tumakas ang mga suspek patungong Piñan, ayon pa sa pulisya. Narekober mula sa crime scene ang isang piraso ng fired cartridge case o basyo ng caliber 9mm.


Nagsasagawa na ng follow up investigation ang mga awtoridad para idetermina ang motibo sa insidente at ikadarakip ng mga salarin. Kinondena naman ng Commission on Elections (Comelec) ang ginawang pagpatay sa kanilang election officer at nangakong bibigyan ito ng hustiya sa pamilya ni Peralta.


“The Comelec condemns the brutal slaying of Engineer Maricel Peralta, election officer of Mutia, Zamboanga del Norte,” pahayag ni acting Comelec Chairperson Socorro Inting sa isang statement.


“We are already in communication with the PNP and we assure the public -- and Maricel’s loved ones -- that the Comelec will not rest until justice is served. We will release updates as they become available,” dagdag pa ni Inting.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | March 3, 2022



Nakaligtas sa pang-a-ambush ang municipal administrator ng Marilao, Bulacan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang papunta sa trabaho nitong Miyerkules.


Ayon kay Col. Rommel Ochave, Bulacan police chief, ang biktima na si Wilfredo dela Cruz Diaz, 54, ay minamaneho ang kanyang puting Mitsubishi Montero sa kahabaan ng Tibagan St. sa Barangay Sta. Rosa 2 nang lumapit sa bintana ng sasakyan ng biktima ang mga suspek at pinaulanan ito ng bala bandang 7:45 a.m.


Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ng bala ang biktima na agad nakaalis sa lugar at pumunta sa munisipyo.


Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ng insidente ang 8 bala ng .45-caliber pistol.


Kasalukuyan naming iniimbestigahan ang insidente upang malaman kung sino ang nasa likod ng pananambang.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 24, 2020




Apat na ang pinaghahanap ng mga awtoridad ngayon kaugnay sa pamamaril at pagnanakaw sa isang rider na kinilalang si Niño Luegi Hernando noong Oktubre sa Valenzuela City.


Nag-viral noong Oktubre ang CCTV footage ng pagpatay at pagnanakaw sa motorsiklo at bag ni Hernando ng riding in tandem. Ang tatlong bagong suspek ay isang pulis na nasibak sa trabaho, isang AWOL na pulis at isang babaeng look-out sa krimen.


Kinilala ang dating witness at ngayon ay suspek na rin sa pagnanakaw at pagpatay kay Hernando na si Jo-anne Quijano Cabatuan. Nakilala sa pamamagitan ng CCTV footage ang riding in tandem na sina Rico Reyes alyas “Moja” at Narciso Santiago alyas “Tukmol.”


Ayon sa hepe ng Valenzuela Police na si Police Colonel Fernando Ortega, si Cabatuan umano ang kumausap kay Santiago upang ipaghiganti ang ka-live-in nitong nakulong dahil sa testimonya ni Hernando sa kasong rape.


Siya rin umano ang nagbigay ng impormasyon sa mga galaw ng biktima. Bukod pa rito, kasabwat din ng mga suspek ang dalawang pulis na kinilalang sina Police Corporal Michael Castro at Police Officer 1 Anthony Cubos.


Si Castro ay agad na nag-AWOL matapos malaman na pinaghahanap na ito ng mga awtoridad habang si Cubos naman ay nasibak na sa trabaho noong 2019 pa.


Kinilala rin si Cubos na lider ng grupong sangkot sa pagnanakaw, panghoholdap at gun for hire sa Bulacan.


Naaresto na nitong Biyernes si Castro at umamin na sa krimeng nagawa. Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ang iba pang mga suspek.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page