top of page
Search
  • BULGAR
  • Jun 10, 2021

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Patay ang isang babae at lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem ang sasakyan ng dalawa sa Barangay Mariana, Quezon City noong Miyerkules nang gabi, bandang alas-siyete.


Ayon kay QC Police District Director Brig Gen. Antonio Yarra, hindi pa nakikilala ang mga biktima at aniya, hinila umano ng mga suspek ang babae palabas ng sasakyan saka ito binaril at iniwan sa kalsada. Sa loob naman umano ng sasakyan binaril ang kasama nitong lalaki.


Saad pa ni Yarra, "'Yung babae, according sa witness natin, pinaghihila siya at pinagbabaril. Tapos 'yung lalaki, habang umaatras, pinagbabaril din.


"'Yung lalaki, may tama ng bala sa right side ng kanyang body."


Ayon umano sa mga nakasaksi, bago tumakas ang mga suspek, nakakilos pa ang babae at nanghingi ng tulong ngunit kaagad ding binawian ng buhay.


Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Quezon City Police District sa insidente upang matukoy ang mga suspek.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Patay ang barangay captain sa Lipa City, Batangas matapos barilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem noong Miyerkules.


Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Barangay Pagolingin East Captain Cesar Catibog, 68-anyos.


Ayon sa pulisya, binabaybay ni Catibog at ng kanyang driver ang Torres Street sa Barangay 6 bandang alas-7:40 nang umaga, sakay ng barangay patrol vehicle, nang biglang pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.


Agad naman umanong tumakas ang mga suspek.


Sa noo tinamaan ng bala si Catibog at naisugod pa sa ospital ng kanyang driver ngunit idineklara ring dead on arrival.


Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 1, 2021



Nakaligtas sa ambush si dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr. nang pagbabarilin ng riding-in-tandem ang kanyang sasakyan sa Pili ngayong Martes.


Sa ulat ng pulisya, nagmamaneho si Andaya sa Maharlika Highway sa Barangay Palestina nang paputukan ng riding-in-tandem ang kanyang sasakyan bandang alas-5:45 AM.


Nakaligtas man si Andaya, nakatakas din ang mga suspek.


Nakuha naman ng awtoridad ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.


Nagsagawa na rin ang Police Regional Office 5 (PRO5) ng imbestigasyon upang matukoy ang mga suspek at para alamin ang motibo ng mga ito.


Pahayag ni Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, regional director ng Bicol police, "Tayo po ay nag-deploy na ng karagdagang pulis sa lugar upang alisin ang pangamba sa ating mga kababayan na naroon.


"Makakaasa po kayo na kami ay makikipagtulungan sa mga witnesses at mga local government official ng Camarines Sur upang mapabilis ang pagtukoy at pagresolba sa insidenteng ito.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page