ni Mylene Alfonso @News | September 10, 2023
Maaari umanong tumaas pa ang P15,000 financial assistance para sa mga qualified rice retailers na apektado ng price cap sa regular at well-milled rice sa bansa.
"Nakausap natin ang Pangulo. Inatasan niya ang DTI (Department of Trade and Industry) at DSWD na mag-calibrate pa para masiguro na kung kulang pa 'yun, hindi tayo mag-aatubili na mag-adjust at magdagdag pa," pahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Pinangunahan ni Gatchalian at ng mga lokal na opisyal ang distribusyon ng cash grants sa Commonwealth Market sa Quezon City, Agora Market sa San Juan City at sa Maypajo Market sa Caloocan City base sa instruksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
May kabuuang 232 small rice retailers ang nakatanggap ng P15,000 cash grant – 48 sa Quezon City at 48 sa San Juan City habang 136 na benepisyaryo ang nakatanggap ng cash assistance sa Caloocan City.
"Para sa Pangulo, importante na mapangalagaan ang kapakanan ng mga MSME (micro, small, and medium enterprises). Alam natin na may sakripisyo sila ngayong mga panahon na ito kaya gusto ng gobyerno na matulungan sila. Alam natin na kahit negosyante sila, maliliit silang negosyante," sabi ng kalihim.
Pinasalamatan din niya ang mga rice retailers sa kanilang pag-unawa at pakikipagtulungan upang maging bahagi ng solusyon sa mga nagdaang pagtaas ng presyo ng bigas.