ni Mylene Alfonso @News | September 13, 2023
Ikinukonsidera na rin ng gobyerno na bigyan ng ayuda ang may-ari ng sari-sari stores sa buong bansa.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, may ginagawa ng pag-aaral ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagbibigay ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos mamigay ang DSWD ng tig-P15,000 na ayuda sa mga apektadong rice retailers sa mga nasa loob at labas ng pampubliko at pribadong palengke.
Layunin nito na makaagapay din ang mga maliliit na sari-sari store sa pagkalugi dahil sa price cap sa bigas.
Idinagdag pa ng DSWD chief na target ng DTI na makapagsumite ng mas maraming listahan ng mga benepisyaryo upang mabigyan ng ayuda ang mga may-ari ng sari-sari store sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Gatchalian na may 474 rice retailers na ang nakatanggap ng livelihood grants, na nagkakahalaga ng P7.5 milyon.
Samantala, tatapusin na ng ahensya ang ipinatutupad na cash payout sa rice retailers na naapektuhan ng Executive Order No. 39 o ang price cap sa bigas.
Sinabi ni Gatchalian na pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa rice retailers at nagtakdang tatapusin ang pamamahagi ng P15,000 hanggang Huwebes, sa buong bansa.
Nag-apply na rin sila ng exemption sa Commission on Elections sakaling maabutan sila ng election ban sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa rice retailers na naapektuhan ng price cap.
Nabatid na ang mga rice retailer na nasa labas ng palengke ang isusunod sa Phase 2 ng programa at kinukuha na ang listahan ng mga ito para mapabilang sa mga bibigyan ng ayuda ng gobyerno.