ni BRT @News | September 17, 2023
Hindi umano dapat maging rason ng pagkataranta ang inilabas ng United States Department of Agriculture na projection na magiging no.1 importer ng bigas ang Pilipinas.
Ayon kay Bureau of Plant Industry Director Glenn Panganiban, ang pagka-alarma ng iba ay hindi nararapat.
Paliwanag ng opisyal, ang inilabas na projection ng USDA ay isa lamang assumption dahil makikita lamang ang laki ng aangkatin kapag nakarating na sa bansa ang mga inangkat na bigas.
Mayroon din aniyang lokal na produksyon ang Pilipinas, at makatutulong ito upang mabawasan ang bulto ng aangkatin na bigas ng bansa.
Nagpaliwanag naman ang DA official sa kung bakit bumababa ang bulto ng aangkatin ng China na bigas.
Ayon kay Panganiban, maaaring tumaas ang produksyon ng nasabing bansa, kaya mas mababa ang kinailangan nilang bilhin. Habang sa Pilipinas, ang inaangkat nito ay upang mapunan lamang ang kakulangan sa lokal na produksyon ng bigas.