ni Mylene Alfonso @News | September 20, 2023
Ikinukonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maaari pa ring bumaba ang presyo ng bigas hanggang P20 kada kilo sa kabila ng El Niño at iba pang usaping pang-agrikultura.
Nang tanungin kung posible pa ang kanyang pangako sa kampanya, tugon ng Pangulo, “May chance lagi ‘yan”.
Ngunit sinabi ni Marcos na mahalagang ayusin ang produksyon ng bigas at iba pang mga isyu, lalo na ang mga natural na kalamidad sa bansa na nakakabawas sa ani ng palay.
Sa kanyang talumpati, isinisisi ni Marcos ang mataas na presyo ng bigas sa mga karatig bansa sa Asya na nagpalaki ng kanilang buffer stock.
Iniugnay din ng Pangulo ang mataas na halaga ng pangunahing bilihin ng mga Pilipino sa mga rice hoarders at price manipulators kung saan inatasan niya ang Bureau of Customs na paigtingin ang pag-monitor sa mga sa imported na bigas.
Nauna nang sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang P20 kada kilo na target ay posible pa rin kung bubuti ang agriculture productivity.