ni V. Reyes | March 26, 2023
Tinatayang dalawa hanggang limang piso ang itinaas sa presyo ng kada kilo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Batay ito sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Nabatid na nasa P60 kada kilo ang pinakamahal na presyo ng bigas, depende sa klase.
Sa hanay ng imported commercial rice, nasa P50-P58 per kilo ang special; P43-P52 ang premium; P40-P46 ang well-milled; at P37-P44 bawat kilo ang regular milled rice.
Sa local commercial rice naman nasa P48-P60 kada kilo ang special; P42-P49 ang premium; P38-P46 ang well-milled at P34-P40 ang regular milled.
Ikinatwiran naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay dulot ng mahal na pataba at langis.
“Hindi lang sa ating bansa tumaas ang bigas sa Thailand, Pakistan, Vietnam at India kung makita mo ang world market tumaas sila ng $100 per metric tons,” ayon kay SINAG President Rosendo So.
Kaugnay nito, muling iginiit ng grupo na maaaring hindi pa kayanin ang P20 kada kilo na bigas na ipinapangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
“In-explain namin kay Pangulo na hindi ganoong kabilis, it will take time kung ma-normalize ang presyo ng fuel,” dagdag ni So.