ni Mary Gutierrez Almirañez | May 30, 2021
Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) Cebu head na si Police Colonel Englebert Soriano ang pagpatay sa 80-anyos na dating pari at peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Fr. Rustico Tan sa Pilar, Barangay Poblacion Camotes Island, Cebu nitong Biyernes nang gabi.
Ayon kay Soriano, “It was really dark that time. As of now, we have yet to get eyewitnesses for the crime. But the Scene of the Crime Operatives (SOCO) processed the crime scene."
Batay sa ulat, nakahiga si Fr. Tan sa duyan na nasa gawing terrace ng bahay nito pasado alas-8 nang gabi nang pagbabarilin ng suspek sa katawan na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Samantala, tumanggi naman ang mga kamag-anak ng biktima na ipa-autopsy ang labi nito upang kaagad mai-cremate.
"The family already asked the body to be buried. They are not interested anymore with whatever future findings of the police with respect to the possible outcome of the autopsy," sabi pa ni Soriano.
Gayunman, nilinaw ni Soriano na ipagpapatuloy pa rin nila ang imbestigasyon kahit walang autopsy.
"We will pursue this. We will get to the bottom of the investigation until we identify and file charges against the suspects," deklara niya.
Samantala, iniugnay naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagpatay kay Fr. Tan sa sinapit ng 74-anyos na NDFP peace consultant na si Reynaldo Bocala.
Ayon pa sa KMU, “Ang magkasunod na insidente ng pagpatay ay naganap dalawang linggo matapos isapubliko ng Anti-Terrorism Council ang listahan ng mga NDFP consultant na pinagbibintangan nitong mga terorista… Ang dalawang NDFP consultant na pinaslang ay parte ng negosasyon sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng rebolusyunaryong kilusan upang bigyang solusyon ang ugat ng armadong tunggalian.”