ni Mai Ancheta @News | July 16, 2023
Sisimulan na sa Martes, July 18, ang food stamp program ng gobyerno para sa mga pinakamahihirap na Pilipino.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, gagawing pilot area ang Tondo, Maynila, kung saan 50 pamilya ang unang makikinabang sa food stamp program.
Tatagal aniya ng anim na buwan ang programa para sa tatlong libong pamilya na may buwanang kita na P8,000 pababa.
"Magki-kick off na tayo sa Tuesday. 'Yung pilot, gradual phasing, sisimulan natin sa 50 pamilya sa Tondo. The trial project will run for six months," ani Gatchalian.
Ang mga napiling benepisyaryo ay tatanggap ng tap card na may katapat na halaga, kung saan gagamitin ito sa accredited na grocery o tindahan para sa kanilang mga pangangailangan.
Pag-aaralan aniya ng kanyang ahensya sa loob ng dalawang buwan ang programa at kung magiging matagumpay ay dadagdagan ng hanggang 300,000 pamilyang benepisyaryo kada taon hanggang sa maabot ang target na isang milyong benepisyaryo.
Ang food stamp program ay ginagawa na sa maraming bansa para tulungan ang kanilang mga mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Gatchalian na nagbigay ng $ 3 million ang Asian Development Bank (ADB) bilang donasyon sa programa kasama na ang ibang development partners ng Pilipinas.