ni Lolet Abania | March 7, 2022
Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Lunes ang crisis alert level sa Ukraine sa Alert Level 4 habang tumitindi ang pananakop ng Russia sa naturang bansa.
Sa ilalim ng Alert Level 4, ipapatupad ng DFA ang mandatory evacuation ng mga Pilipino sa Ukraine, kung saan gastos ito ng gobyerno.
“Due to the rapidly deteriorating security situation in Ukraine, the Department of Foreign Affairs has raised the crisis alert level for all areas in Ukraine to Alert Level 4 (Mandatory Repatriation),” batay sa inilabas na pahayag ng DFA ngayong Lunes.
Gayundin, ang mga Pinoy sa Ukraine ay aasistihan ng Philippine Embassy in Poland.
“Filipinos in Ukraine will be assisted by the Philippine Embassy in Poland and the Rapid Response Team, which are currently assisting Filipino nationals for repatriation and relocation,” ayon sa DFA. Marami na ring Pilipino ang nakabalik na ng bansa habang ang iba ay nakuhang makatakas doon patungo sa kalapit na mga bansa.
Una nang sinabi ng DFA na may nananatili pa na tinatayang 116 Pinoy sa Ukraine. Ayon kay DFA Undersecretary Sarah Arriola, hanggang nitong Huwebes, 93 Pilipino na ang umalis ng Ukraine mula sa 209 na naitalang bilang ng ahensiya. Aniya, may 45 Pinoy pa ang nananatili naman sa Kiev.