top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 3, 2024


Nakitaan ng husay si Moderne Cong nang manalo ito sa 2024 PHILRACOM "Classic Cup II" race na inilarga noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.

 

Kumaripas sa largahan si Secretary upang hawakan ang unahan sa kaagahan ng karera habang nasa pangalawang puwesto si Sophisticated.

 

Subalit sa kalagitnaan ng karera ay kumuha ng segundo puwesto si Moderne Cong, naiwan sa tersero si Sophisticated habang si Secretary pa rin ang may hawak ng bandera.

 

Pagsapit ng far turn ay nagkapanabayan na sina Secretary at Moderne Cong kaya naman pagsungaw ng rekta ay nasa unahan na ang winning horse.

 

Nasa tatlong kabayo ang lamang ni Moderne Cong sa rektahan at lumobo pa ito sa apat pagtawid nito sa meta.

 

Nirendahan ni jockey Andreu Villegas, nirehistro ni Moderne Cong ang tiyempong 1:55.8 minuto sa 1,800 meter race sapat upang kubrahin ng winning horse owner na si Leonardo "Sandy" Javier Jr. ang P420,000 premyo.

 

Dumating na segundo ang Secretary at nasikwat nito ang P157,500 habang tig-P87,500 at P35,000 ang third at fourth placers na Chrome Bell at Sophisticated ayon sa pagkakasunod.

 

Si Javier din ang breeder kaya sa kanya din napunta ang breede's purse na P35,000 habang tig-P21,000 at P14,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 

Samantala, posibleng ilaban sa mas malaking karera ang Moderne Cong dahil impresibo ang kanyang naging panalo. Tiyak na aabangan ng mga karerista ang muling pagrampa ni Moderne Cong sa pista. 

 

 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 2, 2024


Nagpasikat sa mga karerista ang Jungkook matapos nitong sikwatin ang korona sa 2024 PHILRACOM "Classic Cup" race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

 

Nirendahan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez, nasa pang-anim na puwesto sa largahan ang dehadong Jungkook habang nagbabanatan sa unahan ang Boss Emong at Istulen Ola.

 

Nanood  sa tersero puwesto ang matikas din na Don Julio habang nasa pang-apat at pang-lima ang War Cannon at Jaguar ayon sa pagkakasunod.

 

Nagkapanabayan sa unahan ang Boss Emong, Istulen Ola at Don Julio sa kalagitnaan ng karera habang naka-permis sa pang-anim ang Jungkook.

 

Papalapit ng far turn ay kumuha na ng bandera ang Don Julio, unti-unti nitong nilalayuan ang Boss Emong at Istulen Ola pero ang Jungkook ay kumuha naman ng pang-lima at malakas ang dating nito papalapit sa unahan.

 

Kaya naman pagdating sa rektahan ay bakbakan na sa unahan ang Don Julio at si Jungkook at sa huling 50 ng karera ay nakuha na ng winning horse ang unahan at tinawid nito ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat.

 

Inirehistro ng Jungkook ang tiyempong 1:53. 4 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang P1,080,000 premyo habang nakopo ni second placer na Don Julio ang P405,000.

 

Tesrerong dumating sa finish line ang Jaguar na nagbulsa ng P225,000 habang pumang-apat ang Istulen Ola na nagkasya sa P90,000 consolation prize.

 

Nakasikwat din si Hermie Esguerra ng Esguerra Farms & Stud Inc., ang breeder ng nanalong kabayo ng P90,000 habang tig-P54,000 at P36,000 ang second at third.

 

Samantala, siyam na races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kabilang ang tatlong Classic Cup I, II, at III stakes races  kaya masaya ang pangangarera ng mga karerista.

 

Pinakawalan ang karerang pinagwagian ni Jungkook sa Race 5 habang ang Classic Cup II at III ay inilarga sa races 4 at 3 ayon sa pagkakasunod, lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 27, 2024


Magsasanib-puwersa ang magka-kuwadrang sina  Moderne Cong at Robin Hood paglahok nila sa 2024 PHILRACOM "Classic Cup II" na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo.


 Rerenda kay Moderne Cong si Andreu Villegas habang si Jomer Estorque ang kay Robin Hood para harapin ang apat pang nagsaad ng pagsali sa distansiyang 1,800 meter race.


Nakalaan ang P700,000 guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang naghayag ng paglahok ay ang Chrome Bell, La Republika, Secretary at Sophisticated sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Sabi ng mga karerista sa social media, posibleng si Chrome Bell na gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez ang magiging mahigpit na karibal nina Moderne Cong at Robin Hood.


Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P420,000, mapupunta sa second placer ang P157,500 habang tig- P87,500 at P35,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.


Hahamigin din ang breeder ng mananalong kabayo ang P35,000 habang tig-P21,000 at P14,000 ang second at third. Paniguradong dadagsa ang mga karerista sa nasabing lugar upang saksihan ang bakbakan ng mahuhusay na kabayo at future stakes races campaigners.


Samantala, kakargahin ng apat na taon na edad na colts ang 54 kgs. habang 52 kgs. ang sa fillies base sa inilabas ng PHILRACOM na handicapping weight.


Ang 5-year-old na colts ay 55kgs. naman ang papasanin habang 53kgs. ang sa fillies.


Maliban sa nasabing stakes race, tiyak na magandang laban din ang masisilayan ng mga karerista sa ibang karera na ihahanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI). 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page