top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 10, 2024

 

Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ng Prime Factor matapos nitong sikwatin ang korona sa White Castle Stakes Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng gabi.

 

Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez ang Prime Factor, ipinuwesto nito sa pangatlo paglabas ng aparato upang panoorin ang nagbabanatan sa unahan na Senshi Spirit at Treasure Hunting. Subalit pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay kumuha na ng segundo puwesto ang Prime Factor at kapitan sa unahan ang matulin na Senshi Spirit.

 

Mainit ang tagisan ng bilis sa unahan ang Senshi Spirit at Prime Factor sa far turn pero pagsapit ng huling kurbada ay umungos na ang winning horse. May tatlong kabayo ang lamang ng Prime Factor sa mga katunggali sa rektahan kaya naman magaan nitong tinawid ang meta ng may anim na kabayong bentahe sa pumangalawang Pharoahs Treasure.

 

Inukit ng Prime Factor ang tiyempong 1:40 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P180,000 premyo. Nagbulsa naman ang second placer na Pharoahs Treasure ng P67,500 habang tig-P37,500 at P15,000 ang third at fourth na Perfect Delight at Senshi Spirit ayon sa pagkakasunod.

 

Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya naman naging masaya ang mga karerista sa kanilang pananaya.

 

Suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon ang mga stakes races na nailarga at mga regular na karera. 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 9, 2024

 

Magandang banatan sa rektahan ang nasaksihan ng karerista matapos manalo ni Hans City sa Cool Summer Farm Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas Linggo ng hapon.


Dikdikan ang naging bakbakan sa unahan nina Villa Lorelle at Unli Burn paglabas ng aparato, malayong tersero si Every Sweat Counts habang nasa pang-anim si Hans City.


Pagsapit ng far turn ay inagaw ni Unli Burn ang unahan habang ang magka-kuwadrang sina Louise Ville at Hans City ay nagsimula ng rumemate.


Paparating pa lang ng home turn ay inungusan na ni Louise Ville at Hans City si Unli Burn kaya pagsungaw ng rektahan ay dalawa na lang sila sa unahan.


Malakas ang yabag ni Boss Lady na nagbabagyang sumikwat ng panalo sa rektahan kaya naman hindi na ito pinaporma ni Hans City gumalaw agad at sinunggaban ang bandera at sikwatin ang panalo. Tinawid ni Hans City ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Boss Lady sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Nasikwat ng horse owner na si Louise Ann Decena ang P600,000 nakopo ni Boss Lady ang second place prize na P400,000. 


Ang couple entry ni Hans City na si Louise Ville ang tumanggap ng third place consolation na P300,000 at P200,ang kay Every Sweat Counts na dumating ng pang-apat pero sa trifecta papasok sa tersero ang huli.


Sinakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce si Hans City, inirehistro nito ang tiyempong 1:43.6 minuto sa 1,600 meter race. 


Samantala, dahil sa ipinakitang husay ng Hans City, isasabak ito sa mas malaking stakes race kaya paniguradong aabangan ito ng kanyang mga tagahanga. 


Walong karera ang inilarga ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya naging masaya ang mga karerista sa kanilang pananaya. 

 

 

 

 

 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 8, 2024

 

Walang kahirap-hirap na tinalo ni Birchton ang mga nakatunggali sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Humarurot sa paglabas ng aparato, sinunggaban agad ni Birchton ang unahan at hawakan ang dalawang kabayong bentahe sa pumapangalawang si Da Compulsive.


Pagdating ng far turn ay umabot na sa tatlong kabayo ang bentahe ni Birchton kina Da Compulsive at Sunny Nature na nagkakapanabayan na sa segundo puwesto.


Detreminado si Birchton na manalo kaya hindi na pinaporma ang mga kalaban sapagkat pagdating ng huling kurbada ay umalagwa sa anim na kabayong agwat ang kanyang lamang.


Magaan na tinawid ni Birchton ang finish line ng may mahigit 10 kabayo ang agwat sa pumangalawang si American Ford, tersero si Da Compulsive habang pang-apat si Sunny Nature.


Nirendahan ni class A rider O'Neal Cortez, inirehistro ni Birchton ang tiyempong 1:25.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla Jr. ang P22,000 na added prize.


Nag-uwi rin ang breeder ng nanalong kabayo ng P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third placer ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naging masaya ang paglilibang ng mga karerista.


Komento ng racing aficionados, balanse ang naging lineup kaya halos lahat ng races ay kapana-panabik ang naging bakbakan.


Hinahanda na si Birchton ng kanyang mga connections sa mas malaking karera kaya paniguradong aabangan ito ng kanyang mga tagahangang karerista.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page