top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 17, 2024

 

Napanood ng mga karerista ang husay ng Graceful Gift nang manalo sa NPJAI-FR Sevilla Industrial & Dev. Corp na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

 

Nirendahan ni Pabs Cabalejo, ipinuwesto nito ang Graceful Gift sa pang-apat sa largahan habang nagbabanatan sa unahan ang Luke Skywalker at Benjie's Prayer sa kaagahan ng karera. Papalapit ng far turn ay kumukuha na ng unahan ang Benjie's Prayer habang nasa segundo puwesto na ang matikas din na Badboy MJ.

 

Pagdating ng rektahan ay dalawang kabayo ang lamang ng Benjie's Prayer sa pumapangalawang Badboy MJ pero malakas ang dating ng Graceful Gift na dumaan sa bandang labas.

 

Sa huling 150 metro ng karera ay nasa unahan pa ang Benjie's Prayer ng tatlong kabayo pero umuusok ang remate ng Graceful Gift kaya naungusan ng huli ang una pagtawid ng meta.

Dalawang kabayo ang bentahe ng Graceful Gift sa sumegundong Agaron nang tawirin nito ang finish line habang tersero ang Benjie's Prayer at pang-apat ang Moment Of Truth.

 

Nirehistro ng Graceful Gift ang tiyempong 1:27.6 minuto sa 1,400 meter race, sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Paolo Mendoza ang added prize na P11,000.

 

May walong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo, lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.  

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 16, 2024

 

Nasisilip na ng mga karerista ang susunod na magiging champion horse sa karerahan matapos manalo ng Batang Manda sa 2024 PHILRACOM 'Road to Triple Crown Stakes Race" na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Humarurot na lumabas ng aparato ang Batang Manda upang ipakita ang kanyang tulin at hawakan agad ang bandera pero nilapitan agad siya ng Added Haha.


Tangan ang isa't kalahating kabayong bentahe sa humahabol na Added Haha, nasa tersero ang Heartening To See habang pang-apat ang Ghost sa kaagahan ng karera.


Dinikitan ng Added Haha ang winning horse sa kalagitnaan ng karera pero inilayo ulit ng hinete ng Batang Manda na si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema papasok ng far turn at bumalik sa isa't kalahating kabayo ang agwat.


Pagsapit ng huling kurbada ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ng Batang Manda sa pumapangalawang Added Haha kaya naman magaan nitong tinawid ang meta.


Apat na kabayo ang nagkatalo sa finish line, inirehistro ng Batang Manda ang tiyempong 1:41.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P600,000 premyo.


Nasungkit ng Added Haha ang P200,000 habang tig- P100,000 at P50,000 ang third at fourth placers na Ghost at Heartening To See ayon sa pagkakasunod.


Si Abalos din ang breeder kaya sa kanya rin mapupunta ang Breeder's purse na P50,000 habang tig-P30,000 at P20,000 ang second at third. 


Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.  

 

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 15, 2024

 

Magaan na nabingwit ng Don Julio ang panalo sa NJPJAI-Congressman Marvin D. Rillo Special Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Nirendahan ni jockey AP Asuncion ang Don Julio na ipinuwesto sa pangalawa sa largahan upang panoorin sa unahan ang matulin na Asiong.


Bentahe ang Asiong ng apat na kabayo sa kalagitnaan ng karera pero bago sumapit ng far turn ay inagaw na ng Don Julio ang unahan at makalamang agad ng dalawang kabayo.


Kaya naman papalapit pa lang ng home turn ay nasa limang kabayo na ang kanyang lamang sa umagaw ng segundo na Flattering You habang nauupos na ang Asiong.


Halos mag-isang tinakbo ng Don Julio ang rektahan, halos wala ng gustong humabol at nanalo ito ng may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Flattering You, tersero naman ang Hamlet habang pang-apat ang Asiong. Inirehistro ng Don Julio ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P11,000 added prize.


Nagbulsa naman ang winning jockey na si Asuncion ng P3,000, P2,500 naman ang napunta kay Kelvin Abobo na rumenda kay Flattering You, habang tig-P2,000 at P1,500 ang 3rd at 4th jockeys na sina Andreu Villegas at AM Tancioco na gumabay kina Hamlet at Asiong ayon sa pagkakasunod.


Samantala, 8 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naman masaya ang paglilibang ng mga karerista.


Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page