ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 8, 2024

Sa lumobong utang umano ng TAPE, Inc. sa GMA-7 na umabot sa P800 milyon, ang mga hosts ng Eat… Bulaga! na sina dating Senate President Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ang itinuturo ng magkakapatid na Jalosjos na namamahala na ngayon sa kumpanya ng pamilya.
Pinatigil na kasi ng GMA management ang pag-ere ng Tahanang Pinakamasaya dahil nga sa malaking utang daw ng TAPE, Inc..
Matatandaang nanalo ang TVJ (Tito, Vic & Joey) sa kasong copyright infringement laban sa TAPE, Inc. at base sa adjudicator ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ay nabawi nila ang registration at trademarks kaya ginagamit na ngayon ng trio ang titulong Eat…Bulaga! na emeere ngayon sa TV5 o Kapatid Network at napapanood tuwing tanghali.
Base sa pinag-usapang topic nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika sa programa nilang Cristy Ferminute kahapon nang tanghali sa Radyo 5, 92.3 True FM ay denied ang inihain ng TAPE, Inc. na petition for review laban sa TVJ at ‘yung sa IPOPHL ay kanselado naman.
“'Yung sa Court of Appeals, ang gusto nilang (TAPE, Inc.) mangyari ay baligtarin o i-reverse ang naging decision ng Marikina Regional Trial Court na kanila talaga ang titulo (Eat…Bulaga!),” sabi ni ‘Nay Cristy.
Pero nanalo nga ang mga original hosts at wala nang ibang may-ari ng Eat…Bulaga! kundi sina Tito, Vic and Joey (TVJ).
Nasambit din ng CFM host na ang pagtanggap sa katotohanan (pagkatalo) ang tanging susi para ‘yung pagkabigo ay hindi masyadong tumimo nang malalim.
“'Yun lang naman ‘yun, tanggapin ang katotohanan, 'pag talo, talo, 'pag panalo, ipagbunyi.
Bakit ipinipilit pa (umapela)?” sambit ni ‘Nay Cristy.
Say naman ni Romel, “Tatlong beses na silang naligwak, gusto pa ba nilang pang-apat?”
“Ano pa ba ang dapat patunayan ng Tito, Vic and Joey para huminto na ang ganitong apela at gusto pa nilang paabutin ito sa Office of the President. ‘Yung sa IPOPHL kasi, sakop ‘yan at hanggang Supreme Court. Ano po ba ito?
“Ang pagkatalo ay hindi naman senyales habambuhay, nagkataon lang na talagang talo kayo dito sa pinag-uusapan at pakikipaglaban,” esplika ni ‘Nay Cristy.
Nasambit din na kaya siguro gigil ang mga taga-TAPE, Inc. ay dahil dinededma sila ng TVJ at hindi man lang nababanggit ang isyu nila.
Kaya sabi ni Romel Chika, “Mas masakit kasi ‘yun, ‘Nay, ‘yung pino-provoke mo pero dinadaan-daanan ka lang?”
Nabuksan din ang isyu patungkol sa nagretirong executive ng TAPE, Inc. na kumuha raw ng P18 milyon, at may panayam din ang CEO ng TAPE, Inc. na ang dahilan daw ng pagkalugi ay ang pag-alis nina Tito, Vic and Joey.
“Bago raw sila pumasok na magkakapatid (Jalosjos) para pakialaman ang Eat… Bulaga! ay nalaman daw nila na hindi na ma-handle nang maayos ang finances,” say pa ni ‘Nay Cristy.
Pagtatanggol naman ni ‘Nay Cristy na nu’ng nakapanayam niya nang one-on-one si ex-Senator Tito sa SNN (Showbiz Now Na) ay nabanggit nitong may malaking utang ang TAPE, Inc. kina Vic, Joey at Maru Sotto na abot sa mahigit P200 milyon.
“Bakit hindi ninyo sinagot ‘yun nu’ng ipalabas sa SNN (Showbiz Now Na)? Bakit hindi ninyo tinutukan ‘yun? Bakit ngayon n’yo lang inilalabas ‘yang utang-utang na ‘yan at pagkalugi ng TAPE na isinisisi n’yo sa Tito, Vic and Joey kasi raw umalis.
“Paanong hindi aalis, eh, ang plano raw (Jalosjos) ay maraming tatanggaling production people? Ang linaw po niyan. Balikan n’yo po 'yung interview na ‘yan,” pahayag ni 'Nay Cristy.
At sa pag-alis nga ng TVJ ay sila ang itinuturong dahilan kaya nalugi ang TAPE, Inc..
Bukas ang BULGAR sa panig ng mga Jalosjos tungkol sa isyung ito.

Samantala, bago namin tapusin ang balitang ito ay naglabas na ng official statement ang TAPE, Inc. na nagpaalam na ang Tahanang Pinakamasaya effective March 8.
Base sa statement, “It is with a heavy heart that we inform our televiewers that our noontime show, Tahanang Pinakamasaya on Kapuso Network, GMA-7, will no longer be on air effective March 8, 2024.
“TAPE, Inc. extends its profound gratitude to its home network, GMA-7, for a long and fruitful partnership. GMA-7’s kind consideration and understanding of the company’s unwanted circumstances have been instrumental in helping the company in this transition. Despite our best efforts to save the show, both parties have reached a mutual agreement to finally call off the show.”
Nagpahatid din sila ng pasasalamat, “To the loyal viewers, esteemed hosts, supportive advertisers, hardworking crew and dedicated employees who have been with us from the very beginning – from the longest running noontime show – Eat Bulaga to the present Tahanang Pinakamasaya – our sincerest ‘Thank you!” and optimistic – See you again.”