ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Sep. 30, 2024

Matapang at malaman ang mga pahayag ng O.O.T.D. (Oras ng Opinyon Talakayan at Diskusyon) hosts na sina Direk Chaps Manansala at Jobert Sucaldito tungkol sa inilabas na 2025 senatorial slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (BP).
Kapag gusto nila ang kandidato ay ‘Yes’ ang nasa placard nila, ‘pag ayaw nila ay ‘No’ at kung hindi pa decided ay 50-50.
Nagulat kami kina Direk Chaps at Jobert, lalo’t parte sila ng showbiz ay madiin na ‘NO’ ang sagot nila sa dalawang aktor na senador.
Narito ang kanilang saloobin:
Kay DILG Secretary Benhur Abalos, “Ako, NO kasi ‘yung pagsundo n’ya kay Alice Guo, du’n ako nagduda. Bakit s’ya ang sumundo at nanghiram s’ya ng eroplano sa friend n’ya kaya no-no-no!” sey ni Jobert.
“No rin ako, ‘Nay (Jobert) kasi masyadong overkill sa maraming bagay sa kanya at alam na alam mong tatakbo s’ya. For now, no muna,” katwiran ni Direk Chaps.
Kay Makati Mayor Abigail ‘Abby’ Binay naman, “No” rin ang sabi ni Jobert dahil, “Hindi ko lang feel,” sabay make face.
“Ako naman, 50-50 pa ako, parang puwedeng puwede, puwedeng hindi. Nag-iisip pa ako how she can manage to give me the reason to support my yes to her,” ayon kay Direk Chaps.
Kay Senator Bong Revilla, Jr. naman, sey ni Direk Chaps, “No! Pahinga muna tayo (nakangiti).”
“Pass muna ako, hindi yes at no, pass muna. Gusto kong mamili ng tama ngayon,” sagot ni Jobert.
“Bakit ‘Nay? Eh, dapat no?” tanong ni Direk Chaps, at saka inilabas ni Jobert ang sagot niyang “No.”
Katwiran ni Jobert, “Ang sa ‘kin naman, give chance to others. Kasi parang gusto du’n na tumira sa Senado, eh.”
Kay Las Piñas City Representaive Camille Villar naman, parehong “No” ang sagot ng OOTD hosts.
“Naku, ayaw ko, lahat na lang sa Senado, nandu’n na sila. Nanay n’yang si Cynthia, kapatid n’yang si Mark, tapos sasama pa s’ya, ano ba ‘yan? Baka tumakbong congressman mga katulong nila? It’s a family affair,” diin ni Jobert.
Opinyon ni Direk Chaps, “Ako, ‘Nay, isa lang (senator), okay na.”
Sabi ulit ni Jobert, “Sana, tumakbo rin tatay n’ya (Manny Villar), dati ring senador para sila na bumuhay ng Senado.”
Kay ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo naman, “Isa pang no kasi nandu’n na ang kuya n’ya, tama na si Raffy (Wanted sa Radyo host). Kasi alam ko, tatakbo rin yata si Mon (radio commentator), tatakbo rin yata si Ben (Bitag host), ano, tatlo na sila ru’n? Pero malakas ito, nakita ko ‘yung survey n’ya, ang taas n’ya pero ako I won’t vote for him kahit kasamahan ko sa ABS (CBN) dati,” reaksiyon ni Jobert.
‘50-50’ naman si Direk Chaps, “Ako naman, gusto ko s’yang i-try, ipakita lang n’ya kung ano ‘yung ibibigay n’ya at plano n’ya, puwede.”
Kay Senator Francis Tolentino, “No” kaagad ang dalawang hosts.
“Ang dami kong no! My gosh, ayaw ko sa balimbing! Ayaw ko sa balimbing, sa totoo lang,” diin ni Jobert.
“No din ako ‘Nay! Kasi I want someone new and someone better,” saad ni Direk Chaps.
Dagdag pa ni Jobert, “Gusto ko ‘yung may b*yag at paninindigan!”
Kay Senator Imee Marcos naman, “Alam mo, ito ang sagot ko d’yan, 50-50 ako. Alam mo, okey na sana s’ya, eh, kaso nagkaproblema, kapatid (Pres. Bongbong Marcos, Jr.) n’ya, sisiraan n’ya? Ayaw ng mga taong namamangka sa dalawang ilog. Imagine, sisiraan mo President pero kakampi mo Presidente? Saan ka ba talaga, Imee? Sayang, matalino pa naman sana itong si Manang Imee,” reaksiyon ni Jobert.
Paniniwala ni Direk Chaps, “Ako, yes! Gusto ko ‘yung paninindigan n’ya na nakakatakot na makita ng publiko na humahadlang s’ya o hindi siya sumasang-ayon sa kapatid n’ya kahit kapatid pa. Gusto ko ‘yung ganu’ng klaseng paninindigan.”
Kay former Senator Panfilo Lacson naman, “Naku, yes na yes ako d’yan! Oh, my God, sana nga naging president s’ya, eh, kaso ‘di s’ya nanalo. Ito talaga ever since, alam nating lumalaban sa tama, kaya bagay s’ya sa Senado. Ay, ang daming nag-yes!” nakangiting sabi ni Jobert.
“Yes” din ang sagot ni Direk Chaps, “Ang daming yes at we’re excited this time, Senator Ping at sana, may mangyaring mas maganda sa katungkulan kapag nanalo ka.”
Maraming nagkomento mula sa mga netizens ng, “clean politician.”
Kay Senator Lito ‘Supremo’ Lapid naman, “No” ang itinaas na sagot ng OOTD hosts.
“Ay, naku, ‘day, ayaw ko! Unang-una, I don’t know if I’m right or wrong, correct me. Wala akong nakikitang batas na nagawa n’ya, baka meron din naman or baka hindi lang masyadong nagamit ng bansang ito. Senador s’ya, ang problema, sa Porac (Pampanga) siya nakatira, nandu’n ‘yung mansion n’ya, doon s’ya nakatira. Iisa ang problema ng Porac, ‘yung POGO, hindi n’ya nagawan ng paraan, so paano ko siya iboboto at magtitiwala tayo sa taong walang pakialam? Tigilan ako ng Batang Quiapo, Supremo, ‘wag ninyong gamitin ang TV!” litanya ni Jobert.
Katwiran ni Direk Chaps, “Kailangan natin ng kilos at gawa, ‘di puro ganu’n lang. Ako, Kapampangan din ako, but he had his time, so feeling ko, it’s enough!”
Kay ex-Senator Manny Pacquiao naman, sey ni Jobert, “Alam mo, gusto ko ‘yan (sabay pakita ng sagot na yes). Gusto ko ang taong ito at sabihin na lang na ‘di s’ya pang-politics but since nand’yan s’ya at nasubukan na n’ya, gusto ko ‘yung pagkatao n’ya kasi kilala ko s’ya. People will not agree with me pero ‘di s’ya kurakot, maganda ang puso ng taong ito at may sarili s’yang pera.”
Sang-ayon din si Direk Chaps (yes din ang sagot), “At nanggaling siya sa mahirap, pinatunayan niyang People Champ siya, ipinakita n’ya na minahal n’ya ang magulang n’ya, asawa’t pamilya n’ya.”
Pahabol ni Jobert, “Pero hanggang senador lang, ‘wag na s’yang mag-presidente dahil wala s’yang alam du’n! Hindi n’ya kaya ‘yun. Pacquiao, d’yan ka lang (Senado), baka may maitulong ka sa sports.”
Opinyon naman nila kay Senator Pia Cayetano, “Ayaw ko na, pagod na ako sa kanilang magkakapatid (Sen. Alan Cayetano), ayaw ko na! Puro family affair, may Estradas (JV at Jinggoy), Cayetano, magkapatid, Villars, mag-ina (Cynthia at Mark), papasok pa si Erwin, magkapatid na naman, Tulfo. Ano ba ‘to, puro na lang magkakapatid, tama na!” paliwanag ni Jobert.
“Ako naman ‘Nay, 50-50 ako sa kanya kasi sa maraming pagkakataon na nakita ko naman ‘yung gusto n’ya at hangarin n’ya na makagawa ng tama para sa bansang ito, pero ngayon, dahil nga sa sobrang tagal na nila dito ay may nagbago ba sa Pilipinas? Parang ganu’n pa rin, kaya nag-iisip pa ako kung iboboto ko siya,” esplika ni Direk Chaps.
Kay former President of the Senate of the Philippines Tito Sotto III, yes kaagad si Jobert.
“Ako kasi, mahal ko ang taong ‘to. Gusto ko ang utak n’ya, actually, napaka-masa. He’s a man of action, nakita ko, eh. Wala s’yang pretension.”
Reaksiyon naman ni Direk Chaps na yes din ang sagot, “Ako, ‘Nay, yes talaga for senator at feeling ko, mas marami pa s’yang magagawa as senator para mabago ang maraming bagay, kagaya ng pamangkin niyang si Vico Sotto (mayor of Pasig). At alam mo, meron siyang pagmamahal sa bansang ating minamahal.”
Bukas ang BULGAR sa mga nabanggit kung may gusto silang sagutin sa mga pahayag nina Jobert Sucaldito & Direk Chaps Manansala.