ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | May 9, 2022
Nagsimula sa laylayan ang numero ni Robin Padilla sa mga kumakandidato sa pagka-senador dahil unang-una, wala siyang advertisement sa telebisyon at radyo dahil wala siyang pambayad.
Inamin din naman niya ito noong una pa lang na sariling kayod sila ng asawang si Mariel Rodriguez-Padilla, na kinukuha nila ang mga pambili ng t-shirt at tarpaulin sa mga napagbentahan ng mga karne ng baka na napapanood sa YouTube channel na Cooking Ina.
Malaking tulong sa exposure ni Robin ang panayam niya sa mga YT channel nina Boy Abunda, Aiko Melendez, Toni Gonzaga-Soriano at iba pa.
Kaya naman naging word of mouth na ang pangalan ni Binoe mula Aparri hanggang Jolo at marami ring nakakaalam kung ano ang mga nagawang tulong ng aktor sa loob at labas ng showbiz.
At kahit noong nakakulong siya ay marami rin siyang nagawang tulong sa mga kapwa niya bilanggo kaya naman hindi niya natapos ang sentensiya niya, dahil napalaya siya kaagad sa pamamagitan ng amnesty.
Sabi nga niya sa panayam niya kay Toni, “Nagpakabuti ako sa loob, hindi ako nanghingi ng tulong o lumuhod kaninuman para mapalaya ako.”
Aminado naman si Robin na naging wake-up call niya ang pagkakakulong kaya ngayong nasa labas na siya ay nagpapakabuti siya at lalo pa siyang nagsisipag para mas marami pa siyang matulungan.
At heto, guest candidate na siya ng tambalang Bongbong Marcos, Jr. at Sara Duterte-Carpio. Kaya naman lahat ng campaign rally ng Unity Team ay ka-join na si Binoe, na malaking tulong sa kanya lalo na kapag nasa gitna na siya ng entablado para ipakilala ang sarili. Kaya naman, umabot siya sa #3 survey sa Pulse Asia.
Sa huling campaign rally ng Unity Team na ginanap sa Block 7 harap ng Solaire sa Parañaque City nitong Sabado nang gabi, umabot daw sa 1 million ang mga dumalo, ayon sa balita.
Kaya naman, hindi maiiwasang maraming kalat na maiiwan ang mga nagsidalo tulad sa mga nakaraang sorties nila, at kawawa ang mga street sweepers o metro aid sa paglilinis, hindi lang dahil sa Unity Team kundi sa lahat ng grupo rin.
Marahil ay nabasa at nakita lahat ni Binoe ang mga hinaing ng mga street sweepers o metro aid na naglabasan sa mga pahayagan at social media. Kaya naman sa huling hirit ng Unity Team nitong Sabado ay nagpaiwan ang aktor para maglinis sa napakaraming kalat na iniwan ng mga dumalo sa rally.
Inilabas ni Mariel ang mga larawang nagwawalis ng mga kalat ang asawa katuwang ang ibang volunteers sa kanyang Instagram account.
Ang caption ni Mariel, “Grabe si Robin. Last night he was telling after the meeting de avance na maglilinis daw siya. I thought ano kaya ‘yun, parang mag-meet with the staff, pasalamat, ganu’n.
“‘Yun pala, literal na naglinis siya ng mga garbage sa grounds! Graaaaaaaabe 4 AM na siya natapos!
“Maraming salamat sa lahat ng volunteers para maglinis sa Solaire ground!”
Kaya kailangan pa bang kuwestiyunin kung mataas ang numero ng aktor sa mga naglalabasang surveys ng mga kumakandidato sa pagka-senador?
Sino sa mga senatorial candidates ang nagawang maglinis ng mga kalat pagkatapos ng campaign rally nila?
Kaya naman lahat ng nakabasa sa post na ito ni Mariel ay puro heart emojis at clapping hands ang naging reaksiyon.