'WAG LAGING UMASA SA KANYA.
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 08, 2021
Traditional Mom Maricel Soriano VS. Modern Mom Meryll Soriano. Ito ang topic ng vlog ni Meryll Soriano na in-upload niya nitong Linggo sa kanyang YouTube channel.
Pinag-usapan ng mag-tiyahin ang traditional at modern way ng pag-aalaga ng bata. Pero bago ang lahat ay alam ng publiko na malaki ang naitulong ni Maricel kay Meryll simula ipanganak pa lang ang pamangkin, dahil siya ang nasa tabi ng kapatid niyang si Becbec noong nanganak ito, kung saan kasintahan nito noon si Willie Revillame.
Sobrang spoiled daw si Meryll noon sa kanyang tiyahin, dahil lahat ng gamit ay kumpleto siya at sa tuwing may biyahe ito sa ibang bansa ay puro para sa kanya ang dala nitong pasalubong na natikman din ng kanyang panganay na si Eli.
Sabi nga ni Marya, “Nu’ng dumating si Eli — panganay na sa buhay natin, feeling ko, eh, aking anak, inaangkin ko, hindi naman puwede, siyempre may nanay ‘yun (sabay turo sa pamangkin) — tapos, hindi pa tayo natapos du'n, nanganak ulit (anak nina Meryll at Joem Bascon), pagkaguwapo na naman nu’ng anak, si Guido naman ang kinahuhumalingan ng lahat. Dalawa na ang apo kong guwapo.”
Ayaw ni Maricel na tawagin siyang "lola o wowa" at gusto niya ay "mommy" kaya naging "Mommy 2" siya at si Becbec ang "Mommy 1" na ina ni Meryll.
Natatawang kuwento ni Marya sa vlog, "Inggitera kasi ako. Hindi pa ako handang tawaging Wowa (lola). Ayaw ko pa, kaya kapag tinatawag ako ni Eli ng Mommy 2, kinikilig ako. Kaya dapat, kiligin tayong mga lola. Kaya kahit anong hilingin, ibibigay mo.”
At heto na, nakahirit na si Meryll ng crib para sa bunsong si Guido sa Mommy 2 nito.
Say ng beteranang aktres, “Oo, ‘wag mahihiyang magsabi, pero kapag wala tayong work, matuto tayong mamaluktot. Pero kapag may work, hala, sige, shopping dito, shopping doon. Pero hindi naman para sa akin, para sa mga babies.”
Sobra-sobra ang gamit ni Guido kaya nagugulat ang tatay nitong si Joem Bascon na hindi raw sanay sa napakaraming gamit, say ni Meryll.
Marami ring bilin si Marya sa pamangkin na dapat ini-steam ang mga gamit, pinupunasan ang mga dingding, lahat dini-disinfect, na sinagot naman ni Meryll na lahat ay ginagawa niya dahil ito ang mga natutunan niya sa tiyahin.
Sabi nga ni Meryll, “Hello COVID, kulang na lang, inumin ko ang alcohol.”
Pabirong sabi ni Maricel, “Cleanliness is next to loveliness because oiliness is next to poverty.”
Ang unang pinag-usapan ng modern mom at traditional mom ay kung dapat lagyan ng bigkis ang pusod ng bata.
Para sa makalumang nanay ay dapat lagyan para gumanda ang pusod ng bata at hindi pasukan ng hangin.
At bilang modern mom ay hindi ito ginawa ng pamangkin ni Marya, na ang paliwanag, base na rin sa pediatrician ni Guido, “Kasi mas matagal mag-heal 'yung sugat kapag may bigkis.”
Sleeping with the baby o not sleeping with the baby?
“Ako both!" mabilis na sagot ni Maricel. “Kasi nu’ng ipinanganak ko si Chen, hindi ako natutulog, para akong nagte-taping din ng The Maricel Drama Studio kasi kapag dumede si Chen, magkabila (breastfeed), tapos may formula pa, ganu’n siya katakaw. Tapos (bubuhatin), igaganu’n mo para dumighay. 'Pag hindi dumighay, ilalapag mo na. Kailangan, bantayan mo kasi baka maglungad ang bata at malunod.”
Sinang-ayunan naman ito ni Meryll dahil katabi raw nila ni Joem matulog ang anak.
“Kasama naming matulog at take turns kami sa pagiging zombie (sa pagbabantay sa anak).”
Tungkol naman sa pagsusuot ng lampin versus diaper, say ni Marya, “Lampin. Hindi puwede ang diaper kasi kapag nakawiwi na, nakababad ‘yung bata sa ihi. Kaya ako, traditional ang gusto ko kasi 'yan ang tinatawag na hands-on mom. Paano kung magka-rashes ang bata at makati ‘yun. Hindi naman masabi ng bata na may rashes siya.”
“Ako naman, diaper binili ko!” sambit ni Meryll.
“Naku, kawawa ang bata sa inyo!” hirit ni Maricel.
Pero maganda ang dahilan ni Meryll, dahil may makabagong paraan na ngayon kung saan may cloth diaper na may Velcro at nilalagyan ng bamboo cloth sa ilalim para hindi magka-rashes ang baby at 'yun ay ipinasusuot nila sa anak sa gabi lang.
May isa pang brand na ipinakita na kahit nakailang wiwi na ang anak ay hindi basa dahil nagiging gel ito at chlorine free kaya safe gamitin.
Sinang-ayunan ito ni Marya dahil maganda raw. Hindi pa tapos ang vlog ng mag-tita at abangan ang part 2.