ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | August 17, 2021
Ibang-iba na sumagot ngayon si Kylie Verzosa kumpara sa mga naunang mediacon na medyo may taray pa tulad sa Los Bastardos kung saan nagkaroon sila ng isyu ng kapwa niya beauty queen na si Maxine Medina dahil nadala raw siya sa eksenang nag-aaway sila.
Hindi rin nagustuhan ni Kylie ang tanong sa kanya kung nagsasama na sila ng boyfriend niyang si Jake Cuenca sa mediacon ng Ghost Adventure noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown noong 2020, pero sa bandang huli ay inamin din niya.
At heto sa launching movie niyang The Housemaid mula sa Viva Films na idinirek ni Roman Perez, Jr., super nice na ng dalaga at kahit na anong itanong sa kanya ay maayos niyang sinasagot at ramdam mo ang respeto mula sa kanya.
Marahil ay ito ang impluwensiya sa kanya ng boyfriend niyang si Jake Cuenca na sobrang marespeto sa press people at aminado ang baguhang aktres na malaki ang parte ng aktor sa buhay niya ngayon, lalo na sa acting career niya.
“I considered it na he’s my mentor, sa kanya ako nanghihingi ng advise at siya rin ang acting coach ko.
“Siya rin ang isa sa nagko-convince sa akin na ‘Gawin mo ‘yan, magandang project ‘yan.’ Sobrang supportive talaga ni Jake sa career ko,” kuwento ni Kylie sa ginanap na Zoom mediacon para sa The Housemaid nitong Lunes.
Nabanggit pa ni Kylie na kapag parehong hindi sila busy ni Jake ay nagpupunta siya sa aktor para magpaturo ng tamang pag-arte at kung paano i-deliver ito.
Kaya naman masaya ang boyfriend niya sa launching movie niya ngayon lalo’t suportado siya ng mahuhusay at premyadong aktor na sina Albert Martinez at Jaclyn Jose, isama pa si Louise delos Reyes na kaliwa’t kanan ang mga naging projects at nakamit niya ang New Movie Actress of the Year para sa pelikulang Agaton at Mindy noong 2009.
Labis naman itong ipinagpapasalamat ng dalaga, “Sobra-sobrang I can’t even believe on how to explain how grateful I am to have supporting cast like this. ‘Yung makasama ko lang po si Ms. Jaclyn, si Kuya Albert at si Louise, parang wow, nakakataba ng puso. Sobrang honored at hindi n’yo lang alam, sobrang kinikilig ako kay Ms. Jaclyn at kay Kuya Albert.
“Sobrang supportive ni Kuya Albert sa alam n’yo na (love scenes), itinago ko na lang sa sarili ko, ‘Oh, my God, this is a big scene. I have to do my job well.’ Tapos, 'pag tapos na, sasabihin niya (Albert), ‘Good job’ kaya sobrang na-appreciate ko ‘yun.”
Matindi ang love scenes nina Kylie at Albert kaya hiningan ng reaksiyon ang dalaga.
“Maganda ‘yung pagkagawa, kaya sobrang na-appreciate ko si Direk Roman. Matatawag talagang actor's director, sabi nga ng ibang cast, na prepared talaga lahat ng shots ni direk. Iko-compare mo talaga ang movie namin sa original (2010) or maybe even better. At saka si Direk Roman, available talaga siya 24/7 para sa mga questions ko like 12 or 1 AM, nag-uusap pa rin kami.
“Hindi po ako gagawa ng movie para magpa-sexy lang o bold. Dapat po, maganda ‘yung materyal, ‘yung direktor, kaya nagpapasalamat po ako sa Viva, kasi ganito ‘yung mga gusto kong movie talaga, suspense-thriller. Ito talaga ‘yung genre na panoorin n'yo,” pahayag ng baguhang aktres.
Ang The Housemaid ni Kylie ang ikatlong version na unang ginawa ng South Korea noong 1960 at 2010.
Samantala, ginawa ang pelikula sa panahon ng pandemya kaya natanong kung bakit kailangan nilang lumabas ng bahay considering na ang kalusugan ang nakataya rito dahil hindi natin alam kung safe lahat ang kasama sa set o hindi. Bakit hindi na lang manatili sa bahay at palipasin ang pandemya?
“Ako po talaga as a person, hindi ko kayang mag-sitting pretty (natawa). Gusto ko talaga, magtrabaho at 'pag wala akong ginagawa, maghahanap talaga ako ng gagawin. Kaya kapag sinasabi nilang mag-taping tayo, game talaga ako as long as gusto ko ‘yung materyal.
“I’m willing to risk my life for this. Masasabi ko pa naman na we had a safe experience rito sa pag-shoot namin,” pahayag ng aktres.
Mapapanood ang The Housemaid sa Setyembre 10 sa Vivamax, KTX, iWant TFC, at TFC IPTV.