ni Lolet Abania | November 7, 2021
Ilang lugar sa Bohol, Leyte, at iba pang lalawigan sa Visayas at Mindanao ang nagpositibo sa test sa red tide toxin, ayon sa pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Base sa isang advisory ng BFAR, ang mga shellfish na nakolekta sa coastal waters o baybayin ng mga sumusunod na lugar ay nakitaan ng pagkakaroon ng paralytic shellfish poison o toxic red tide na lumagpas pa sa regulatory limit:
• Dauis at Tagbilaran City sa Bohol;
• Villareal, Cambatutay, at San Pedro Bays sa Western Samar;
• Carigara Bay at coastal waters ng Leyte sa Leyte;
• Matarinao Bay sa Eastern Samar;
• Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur;
• Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Gayundin, ang mga lugar na lumabas na positibo sa red tide toxin ay coastal waters ng Baroy sa Lanao del Norte; coastal waters ng Daram Island, Maqueda, at Irong-Irong Bays sa Western Samar; Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte; coastal waters ng Biliran Island.
“All types of shellfish and Acetes sp. or alamang gathered from these areas are NOT SAFE for human consumption,” pahayag ng BFAR.
“Fish, squids, shrimps and crabs are safe for human consumption provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking,” dagdag ng BFAR.